HETO NA
naman sina Bong at Jean sa pag-aargumento. Nabuksang muli ang pagtatalo. Isang
linggo na noon ang nakararaan buhat ng gumradweyt si Jean.
Nagulat na lamang si Bong ng ipaalam
sa kanya ni Jean na kasalukuyan na nitong inaayos ang mga papeles patungong
abroad.
Gusto kasi ni Jean ay malakad na
siya sa madali't malaon. Gusto rin niyang maiayos na munang lahat ang mga
papeles na kakailanganin niya bago niya ipaalam iyon kay Bong ng sa ganoon ay
wala na itong magawa naisip niya.
Subalit walang lihim na hindi
nabubunyag. Napag-alaman ito ni Bong hindi pa man naisasaayos ni Jean ang mga
papeles niya. Nabalitaan ito ni Bong sa Ina ng dalaga. At agad ay nagtungo si
Bong kina Jean.
Nasa kalagitnaan na ng pagtatalo ang
magkasintahan noon. Hindi na nagawa ni Bong na manlamig, kaya nagkabangga na
ang init sa init. Nagmataasan na sila ng boses.
"Heto na naman ba tayo!
Sawang-sawa na ako sa usaping ito!" Si Bong. Mataas ang boses, namumula.
"Ako man! Punding-pundi na rin
ako! Hirap na hirap na ako, gusto ko ng kaginhawahan ng damdamin, gusto kong
ibigay mo sa akin 'yon, ang gusto ko'y unawain mo ako," ani Jean. Nataon
na sila lamang dalawa ni Bong ang nandoon kaya malaya nilang nailalabas ang
isinasaloob nila sa isa't isa.
"Pero hanggang kailan kita
uunawain, hanggang sa habang panahon?! Ah, mahal kita Jean. H'wag naman sana
tayong umabot sa puntong.....," patid na sabi ni Bong. Gusto niyang
sabihing huwag naman sanang humantong sa paghihiwalay ang relasyon nila.
Napayuko si Jean, pumikit, at nang
oras ding iyon ay pumatak ang luha niya sa sahig, sunod-sunod na patak. Nang
pagtuunan niyang muli ng pansin si Bong ay nakatalikod na at papalabas na ng
bahay. Alam niyang nagdadalamhati ang damdamin ng binata sa kanya kaya hinayaan
na niya itong lumisan.
Ganoon naman si Bong, kusang umaalis
kapag galit na talaga upang maiwasan ang masidhing pagtatalo. At dati ay
hinahabol siya ni Jean kung siya ay lumilisan kapag alam nitong nagdadamdam
siya, ngayon ay hindi na. Naisip kasi ng dalaga na palipasin muna ang init ng
ulo ng kanyang nobyo bago niya kausapin.
Padabog na sumakay si Bong sa dala
niyang jeep. Pinaandar. Binomba ang selinyador, malakas at madiin kaya dinig
ang ugong ng sasakyan maski na sa kabilang bahay nina Jean.
Nakasilip sa bintanang may kurtina
si Jean, kitang-kita niya kung paano paarangkadahin ni Bong ang sinasakyan,
kumakamot ang gulong sa lupa, humaharurot.
Lutang ang isip ni Bong noon,
mabilis ang takbo ng jeep. Ramdam ng binata ang pag-agos ng luha sa kanyang
mukha. Makirot para sa kanyang kanyang puso ang pagtatalo nilang iyon ng
kanyang nobya.
Kung bakit pumailanlang pa ang
awiting makabagbag damdamin sa sterio na nasa jeep niya, ang awiting paborito
pa ng nobya niya.
How can I convince you
What you see is real,
Who I am to blame you
For doubting what you
feel
I was always reachin'
you were just a girl I
knew......
The Search Is Over 'yon, ilang linya
sa kinanta ni Survivor.
Pagdaka.
POT! POT! POT!
Nabigla si Bong. Nagulat siya sa
biglaang pagbusina ng sasakyang sumusunod sa kanya. Trak palang malaki iyon,
nakita niya ng kanyang lingunin. Sa pagkabigla ay nakabig niya ang manibela,
narampa siya. Tumigil ang sasakyan doon.
Diretso pa rin ang trak,
humaharurot, hanggang sa mawala na iyon sa paningin ni Bong. Napabuntong
hingina ang binata.
Ano ba itong nangyayari sa kanya,
lumulutang ang isip niya kaya tuloy kamontik na siyang maaksidente.
Jean, ano ba itong nangyayari sa
atin?! naianas ni Bong sa sarili ng
mapadukdok sa manibela ng sasakyan.
Gusto niya ay mailabas ang kanyang
sama ng loob. Ngumit paano? Kanino? Ah, kay Nini, naisip niya. Si Nini na
pinsan ng kanyang nobya at lihim na hinahangaan niya. Pero paano niya
uumpisahan ang pagsasabi sa dalaga gayun nahihiya siya. Bahala na!
Pinaarangkada ni Bong ang jeep,
mabagal lang. Napagtuunan niya ng pansin ang isang cafe bar and restaurant sa
kabila ng kalsada. Nagningning ang kanyang mga mata na nakatitig doon dahil may
pumasok sa kukote niyang idiya, iinom siya ng beer. Maglalasing siya. Sa ganoon
ay makakalimutan niya pansamantala ang hinanakit sa nobya.
Pumasok siya sa nasabing restoran.
Naupo sa silya. Umorder sa waiter, tatlong boteng beer agad at titsarong
bulaklak na kasya na sa isang tao. Mga isang oras din siyang nanatili doon sa
pag-inom. Nang makalimang bote na siya ay tinigilan na niya. Baka kasi hindi
siya makauwi kung magpapakalumo siya sa inuming 'yon, magmamaneho pa siya,
naisip niya.
Pauwi na siya noon, gegewang-gewang
ang jeep niya sa kalsada. Buti na lang at walang gaanong sasakyang nagdaraan.
Naalala niya si Nini ng matanawan
niya ang tarangkahan ng bahay ng dalaga. Nagminor siya ng kaunti sa
pagpapatakbo ng sasakyan. Nag-isip siya, dadaan kaya siya upang kamustahin si
Nini o hindi na?
Pagkaraan kasing gumradweyt ni Nini
ay hindi pa sila nagkikitang muli ni Bong. Kung sa bagay, nami-miss na rin
naman ni Nini ang makisig na porma ng binata, ang maamo nitong mukha, at ang
matatamis nitong ngiti.
Ang naging pasya ni Bong ay dalawin
si Nini, kamustahin. Pero biglang nagbago, ayaw na niya. Napangunahan na naman
kasi siya ng hiya eh.
Nakakahiya naman kasi kung ganoon
ang hitsura niyang ipakikiharap sa dalaga, naisip niya. Isa pa ay lasing siya
ng araw na iyon, baka nga naman masabihan pa siya ng mga kaanak ni Nini ng
walang-modo, lalong nakahihiya nga naman kaya napagpasyahan niyang ipagpaliban
na lang at sa ibang pagkakataon na lang siya dadalaw.
Ano ba kasi itong nadarama ni Bong
para kay Nini, kakaiba na yata. Mukhang nahuhulog nang tuluyan ang kanyang
damdamin sa dalaga, bagay na pinangangambahan ni Jean noon pa.
Marahan ang ginawang patakbo ni Bong
sa jeep ng nasa tapat na siya ng tarangkahan nina Nini. Pilit hinahanap ng
paningin niya ang anyo ng dalaga ngunit wala doon. Hindi pa siya nakuntento ay
ihininto na niya ang sasakyan at inurirat niya ng tingin ang bintana ng silid
ni Nini ngunit ni anino ay wala siyang nakita.
Wala talaga! naibulong ni Bong sa sarili.
"Hoy!"
Hindi pa rin natinag si Bong sa
narinig.
"HOY!"
Nagulat pa ang binata ng lumingon.
"Nini?" nagtatakang sabi
ni Bong.
"Ako nga. Ano'ng ginagawa mo
d'yan?" usisa ni Nini. Pauwi na siya galing sa bahay ng kaibigan niya ng
makita niya si Bong na nakatambay sa labas ng tarangkahan nila. Akala nga niya
ay kasama si Jean, hindi pala.
"Ah eh, napadaan lang
ako."
"Kanina ka pa ba? Si Jean? Saan
ka galing, sa kanila?" sinunod-sunod ni Nini ang tanong. "O bakit
ganyan ang ayos mo hindi ka na cute, lasing ka ba?" usisa pa niya ng
pabiro. Hindi na nakuhang sumagot ni Bong, napangiti lang.
"'Baba ka d'yan, halika muna sa
loob ng bahay," ani Nini.
"H'wag na, nakakahiya itong
ayos ko eh. Baka nand'yan ang erpat at ermat mo eh, d'yahe. Next time na
lang," ani Bong.
"O sige, ikaw ang bahala.
Paano? Kamusta na lang kay Jean." Papasok na si Nini sa tarangkahan nila
ng tawagin ni Bong.
"Nini---, may sasabihin sana
ako sa iyo eh."
Napahinto ang dalaga at lumingon.
Tumitig kay Bong. Nabakas niya agad ang suliranin ng binata sa anyo nito.
"Si Jean ba? Nagdebate na naman ba kayo?"
Tumango si Bong ngunit nakayuko.
Naunawaan na ni Nini ang sitwasyon
ni Bong kung bakit ito naglasing. Alam niyang may isinasaloob itong problema at
kailangan ng taong mapaglalabasan niyon, mapagsasabihan. At alam niyang siya
ang gusto ni Bong kaya ito nandoon.
Hindi naman dating ganoon ang
binata, hindi siya sanay malasing. Dangan nga lamang at nataon na mayroon
siyang problema.
"O sige, mag-uusap tayo ngayon.
Sasabihin mo sa akin ang problema at tutulungan kita," ani Nini ng may
lambing pa ang tinig.
Pakiramdam ni Bong ay nagliwanag ang
paligid niya sa narinig sa dalaga. "Saan? Sa bahay n'yo?" aniya.
Umiling lang si Nini. "Lumipat
ka sa kabilang upuan, I'll drive," anang dalaga.
Sumunod naman si Bong. Pumayag na
siya sa kagustuhan ni Nini dahil mahilo-hilo na siya ng mga sandaling iyon. Isa
pa ay alam naman niyang marunong magmaneho ang dalaga. Ngunit may katanungan
siya, Saan kaya sila pupunta?