NALALABI
na ang panahon sa pagtatapos ni Jean sa kolehiyo. bagay na siyang ikinagagalak
nito. Sa wakas ay matutupad na rin ang pinapangarap niyang maisampa sa
karangyaan ang kanyang mga magulang. Makakatulong na rin siya sa kanyang Ama na
nasa ibayong dagat at namamasukan sa isang malaking kumpanya roon na pag-aari
ng mga banyaga.
Habang papalapit ang panahong iyon ay siya
namang kabaligtaran ng nadarama ni Bong. Oo nga't nagagalak din siya sa
nalalapit na pagtanggap ni Jean ng diploma pero ikinalulungkot niya ito at
ikinababalisa.
Naiisip kasi ni Bong palagi ang sinabi sa
kanya ng nobya minsan na pagkatapos nitong mag-aral ay susunod ito sa Ama na
nasa ibayong-dagat upang doon din ito magtrabaho.
Ayaw pumayag ng binatang magkahiwalay sila
ng nobya. Kaya sa tuwing mauungkat nila at mapag-uusapan ang paksang ito ay
nagkakaroon sila ng argumento.
"Mahirap bang intindihin 'yon.
Unawain mo naman ako, gusto kong makatulong muna sa aking mga magulang bago ako
lumagay sa tahimik o magulong buhay may-pamilya," paliwanag ni Jean kay
Bong ng minsan muli nilang maungkat ang bagay na iyon.
"Alam ko, nauunawaan kita sa puntong
iyon. Ang sa akin lang naman eh puwede ka naman kako na hindi na umalis ng
bansa, dito ka na lamang magtrabaho," paliwanag din ni Bong sa nobya.
"Hindi ako nagpakahirap mag-aral para
lamang sayangin ang magandang oportunidad na naghihintay sa akin doon sa ibang
bansa. At kung dito ako mag-aaksaya ng panahon, siguro, maputi na ang lahat ng
buhok ko ay hindi pa rin ako umaasenso." Talagang ipinagsasanggalang ni
Jean ang kanyang prinsipyo sa buhay.
Hindi alintana ng dalaga ay nasaktan si
Bong hindi lamang sa kapakanan ng damdamin nito kundi pati na rin sa kapakanan
ng kaunlaran ng Bayan.
Paano nga naman uunlad ang ating Bayan
kung ang mga nagsisipagtapos ng pag-aaral ay pumupunta na agad sa lupa ng mga
banyaga upang doon magpaalipin at maglingkod! Ilan pa kayang Jean ang ganito
ang ambisyon? Kailan pa kaya sila magigising na kailangan na nating umpisahan
ngayon na tangkilikin at itaguyod ang sariling atin?
Masasabing dalawa ang damdaming
namamagitan sa puso ni Bong. Una ay ang pag-ibig niya sa mga mahal niya sa
buhay lalong-lalo na kay Jean bukod sa kanyang mga magulang. Ang huli ay ang
pag-ibig niya sa Bayan.
Sa U.P. Diliman nagtapos ng pag-aaral si
Bong sa kurso niyang Nursing. Talagang gusto niyang makatulong sa kapwa niya
lalo na ang mga may karamdaman. Kaya maliit pa lamang siya ay inambisyon na
niya ang propesyon an ito.
Bakit hindi Duktor ang kinuha niya? Iyon
nga sana, gusto ng mga magulang niya iyon pero siya ang nasunod. Kaya hayun
siya't doon naglilingkod sa isang public hospital sa Marilao.
Nagpatuloy pa si Jean sa pagsasalita ng
hindi kumibo si Bong, basta nakatingin lang sa nobya. "Para rin naman sa
kinabukasan ng magiging pamilya natin 'yon eh. Gusto ko ay makaipon tayo
agad."
Hindi ipinahalata ni Bong na naghinanakit
ang kanyang damdamin. Ngumiti pa rin siya, "Alam ko naman iyon eh, ako rin
ay ganoon, kaya nga heto at nagse-save na ako," aniya.
Napangiti rin si Jean, puna niya biglang
lumamig ang boses ni Bong. Kabisado niya iyon. Katwiran kasi ng lalaki, kapag
mainit si Jean ay dapat na matuto siyang lumamig. Hindi dapat magsalubong ang
init sa init, sasabog ito pagnakagayon.
Naisip din ni Jean, dapat ay hindi siya
nagtaas ng boses kanina, baka nasaktan niya ang damdamin ng binata. "Sorry
Bong, tumaas ang boses ko kanina," aniya.
"I understand you naman eh, dahil
mahal kita," sabi ni Bong sabay yakap sa dalaga. Hinalikan. Gumanti rin
ito sa kanya.
"Bong, I love you very, very
much....," ani Jean.
Ilang beses na ba silang ganoon,
away-bati, away-bati? Lagi na lamang nangyayari iyon sa kanila buhat ng
magsimulang lumapit ang nalalabing panahon sa pagtatapos ni Jean.
Hanggang kailan tatagal iyon, kailan
matitigil ang argumentong 'yon, kapag nag-brake na sila? Ah, hindi mapapayagan
ni Jean na mangyari iyon, baka ikamatay niya. Pero hindi rin niya mapapayagan
ang kanyang sarili na sumunod sa kagustuhan ni Bong, hindi maaaring masira ang
ambisyon niya, hindi siya papayag! Ano ang dapat niyang gawin ngayon?
Kailangan, hanggang maaga ay magdesisyon
na si Jean, habang mahaba pa ang panahon. Hindi 'yung kung kailan oras na at
saka siya magdedesisyon kung siya o si Bong ang masusunod.
Pero paano kung dumating sa puntong
pamiliin siya ni Bong, ang propesyon o nobyo, ano ang isasagot niya.
Napakalaking problema ang hinaharap na ito ng dalaga.