SEMESTRAL
BREAK: Umuwi na ng probinsiya sina Jean at Nini, sinalubong ni Bong, sa
Marilao. Magkakalapit lang ang bahay nila kaya lagi silang magkakasama. Pinaka
partikular na lugar ay sa Gold Medow Resort malapit lang sa kanila.
Nag-o-overnight swimming sila doon, nagbo-bowling, at marami pa silang
happenings na ginagawa doon. Kadalasan ay silang tatlo lang. Kung minsan naman
ay kasama ang kapatid ni Jean na si Marites.
Halos araw-araw kung hindi sa umaga
ay sa hapon nandoon si Bong sa bahay nina Jean. Doon pa nga siya nag-aalmusalan
o hapunan kung minsan. Open na open siya roon, sa mga magulang ng dalaga at sa
mga kapatid man.
Bago dumating ang pasukan, mga isang
linggo na lang ay nagkasakit itong si Jean, natrangkaso. Si Bong naman ay
humingi ng isang linggong vacation leave sa pinapasukan niyang ospital upang
maalagaan din niya si Jean katulong ng magulang nito at kapatid.
Hindi makapagbantay ng mabuti ang
Ina ni Jean dahil nakatao ito araw-araw sa tindahan nila, isang mini-mart. Kaya
halos si Bong at si Marites lang ang naghahaliling magbantay sa dalaga.
Kapag dumadating na si Bong kina
Jean ay sumisigla na ang pakiramdam ng dalaga, nakakabangon ito kahit na pilit.
Minsan, nasa tabi ni Jean ang nobyo.
Nahiga siya sa dibdib nito. "Bong, mahal mo ba ako?" tanong niya.
"Oo naman. Hindi kita
ipagpapalit sa iba kahit na isang libo pa sila," panunuyo naman ni Bong.
"Kung sakaling maala ako sa
iyo, si Nini nalang ang ipalit mo sa akin, ha? Mabait kasi siya at alam kong
mamahalin ka rin niya kung saka-sakali," ani Jean. Luhaan ang mga mata ng
tumingin kay Bong.
"Huwag ka ngang magsalita ng
ganyan, kinikilabutan ako sa mga sinasabi mo eh. Magpahinga ka na lang,"
malambing na sabi ni Bong.
Sa darating si Nini. "Aba! at
ano itong naabutan ko, heavy drama?" aniya. Nagpatuloy pa, "Nagsimba
ako eh, kaya tumuloy na ako rito upang dalawin ka." Ang tinutukoy ay si
Jean.
Nagbiro si Bong, "Sino?
Ako?" aniya sabay tawa.
"Excuse me, ha! Mahiya ka sa
balat mo!" Dinilaan ni Nini ang binata, inirapan pagkaraan ay pinagtaasan
ng kilay.
Tawa-naman ng tawa si Jean habang
pinagmamasdan ang dalawa na parang mga bata sa paningin niya. Pero bigla siyang
natigilan. Naisip niya, paano kung ma-develop ang damdamin nina Bong at Nini at
umibig sila sa isa-t isa.
Biglang nabahiran ng takot ang
damdamin ni Jean, ganoon pang sumagi muli sa isipan niya ang sinabi noon sa
kanya ng nobyo na may gusto ito kay Nini. At kay Nini man, sa sinabi nitong
paghanga kay Bong.
Hindi naman siguro pahihintulutan ng
Maykapal na mangyari ang ganoon, naibulong ni Jean. Pilit niyang iwinaglit sa
kanyang isipan ang bagay na iyon. Basta iisipan na lamang niya na walang
malisya sa kanilang lahat ang sitwasyon sa relationship nilang tatlo. May
tiwala siya kay Nini, alam niyang hindi nito magagawang pagtaksilan siya.
Nakisali na rin si Jean sa alaskahan
nina Bong at Jean.
Hindi nagtagal, nagpaalam na si
Nini. Nakangiti namang nagpasalamat si Jean sa pagdalaw nito sa kanya.
Wala sa loob ni Jean ang biglaang
pagtayo ni Bong. "Jean, ako rin uuwi na," ang sabi ng binata.
"Ha? Bakit? Mamaya na,"
ani Jean.
Nagkamot lang ng ulo si Bong,
"O sige..."
"Ano? Aalis ka na rin ba? Sabay
na tayo," ani Nini kay Bong.
Si Jean ang tumugon, "Hindi na.
Maiiwan na siya."
Si Jean ang nasunod, naiwan nga si
Bong.
Nang mag-umpisa na ang klase ay
bumalik na sa maynila sina Jean at Nini. Ihinatid sila ni Bong, dala ang owner
type jeep nito. Linggo noon, nataong wala ang driver nina Nini kaya nakisabay
na ito kina Bong at Jean. Sa dati pa rin nangupahan ang dalawang dalaga. Ito na
ang huling semister na papasukan nila.
Kahit malayo ang ang Marilao sa UST
ay nagagawa ni Bong na lumuwas madalas upang dalawin ang nobya. Lalo na kapag
night shift ang duty niya, kahit puyat ay niyaya niyang lumabas upang mamasyal
sila ni Jean. Kung minsan ay kasama pati si Nini.
Napaka-sweet ng magkasintahan
mapasaan man sila, bagay na kinaiinggitan ni Nini ngunit sanay na ito kaya
balewala na sa kanya iyon.
Naglo-long distance call din si
Bong, madalas, sa tinutuluyang bahay ng nobya at ng pinsan nitong dalaga upang
alamin ang kalagayan nila.
At minsan ay naisipan muling tumawag
ni Bong.
Nataon naman na si Nini ang
nakasagot. "Hello? What can I do for you?" ang sabi.
"Hello, si Bong 'to. P'wedeng
makausap si Jean."
"Oh Bong, ikaw pala, si Nini
'to. Nasa ibaba siya eh, sandali lang at tatawagin ko," ani Nini.
"Wait!" pakli ni Bong.
"Yes?" tugon ni Nini.
"Ah--- wala, never mind. Sige,
paki tawag na lang siya." Si Bong. Nag-alanganin pang magsabi sa dalaga,
naunahan kasi ng pagkadungo.
Tinawag ni Nini si Jean na nasa
kusina at abalang-abala sa pagluluto. Nang marinig na ang irog niya ang nasa
linya ng telepono ay nagmamadaling umakyat sa kuwarto at sinagot agad ang
telepono.
Si Nini ang nagpatuloy sa pagluluto.
"Hello, love?" ani Jean.
Nakangiti. Masigla.
"Yap yap yap!" ani Bong.
"Oh bakit?"
"Labas tayo, mamasyal
tayo," panghihikayat ng binata.
"O sige, puntahan mo na lang
ako dito bukas. Agahan mo ha?" Agad namang napapayag si Jean.
"Okay bye, I love you." Nagpaalam
na si Bong.
"Bye, I love you too." Si
Jean.
Kinabukasan:
Namili ang dalawa, bumili si Jean ng
regalo para kay Bong na ibinigay din niya ng araw na iyon. Regalo niya para sa
nalalapit nilang anibersaryo.
"Salamat love," ani Bong.
Masayang-masaya sa regalong natanggap. Hinalikan ng isa sa lips ang nobya.
"Okay lang 'yon."
"May ireregalo din ako sa iyo
kaya lang ay sa araw na ng aniversary natin," ani Bong upang mabigyan din
ng kasiyahan ang nobya.
"Talaga?" may ningning sa
mga matang usisa ni Jean.
Umuwi na silang dalawa. Ihinatid ni
Bong ang nobya sa tinutuluyan nito pagkaraan ay bumalik na siya sa Marilao.