ISANG umaga
habang nag-aayos ng sarili si Jean.
Tinanong ito ni Nini. "Jean,
mukhang may lakad ah, bihis na bihis ka, saan ba ang punta?"
"Susunduin ako ni Bong, pupunta
kaming Centerpoint. May bibilhin daw siya eh, nagpapasama," masayang tugon
naman ni Jean ng humarap sa pinsan.
Nanatiling nakatitig si Nini kay
Jean, napansin siya niyon.
"Alam mo Jean, ang suwerte mo
naman, mayroon kang nobyong....," napayuko si Nini pagkasabi. "Sana
katulad din niya ang mapunta sa akin," sabi pa nito.
Nakaramdam ng hinanakit ang damdamin
ni Jean sa narinig. Alam niya, matagal nang may paghanga si Bong kay Nini. Pero
hindi niya ipinahalata iyon.
"Ikaw naman kasi, kung sumagot
ka na ba ng isa sa isang katerba mong manliligaw eh 'di tapos na ang problema
mo," ani Jean.
"Ay naku! 'Di bale nalang akong
tumandang dalaga," ani Nini kay Jean na papunta na sa kusina.
Biglang tumunog ang door bell.
Binuksan ni Nini. "Ikaw pala Bong, tuloy ka. Maupo ka muna at tatawagin ko
na si Jean," sabi ni Nini, parang nahihiya kay Bong.
"Nini---," ani Bong.
Lingon naman ang tinawag. "Salamat....," sabi pa ng binata.
Napangiti ng lihim si Nini.
Paglabas ni Jean ay nasa sala na si
Bong, nakaupo, hinihintay na siya.
"Let's go, baka gabihin
tayo," aya na ni Jean sa nobyo. "Nini, aalis na kami, bahala ka na
d'yan." Sa pinsan naman.
"Oo ba. Basta may pasalubong
ako, ha?" birong totoo ni Nini.
"Pabayaan mo, pagbalik namin ni
Jean ay may pasalubong ka sa amin," ani Bong.
Sa SM Centerpoint nagpunta ang
magkasintahan. Parang sila lang ang tao sa mundo, naglalakad hawak kamay. Tila
ba ang pag-ibig nila'y walang katapusan. Lahat ay napapatingin sa kanila dahil
napaka-sweet nila.
Sa haba ng nilakad ng dalawa sa
kalilibot ay nakaramdam ng gutom si Bong. Kaya niyaya nitong kumain ang nobya
sa isa sa mga sikat na fast food chain sa lugar na iyon. Nagkayayaan na silang
umuwi matapos na silang namili ng mga gamit ng dalaga sa bahay.
"Oh, paano Jean? Magkita na
lamang tayo uli." Sabi ni Bong na namamaalam na sa nobya.
"When?" Si Jean.
"May be tommorow, bahala
na," sabay kibit balikat ni Bong. Bandang alas-sais na noon.
"Okay, bye bye, ingat ka
ha," ani Jean ng may pag-aalala.
Pagpasok ni Jean sa silid nila ni
Nini ay nakahiga ito at nagbabasa ng pocketbook habang siya naman ay
pakanta-kanta at ang tatamis ng mga ngiti sa labi, pati pagkilos ay masigla.
"Masaya na naman po ang
kaibigan ko," ani Nini. Parinig sa pinsan.
"Siyempre naman, I feel so
wonderful pagkasama ko ang aking Romeo na si Bong," galak na sabi ni Jean.
"Oh hayan ang pasalubong mo, choco roll galing goldilocks." Sabi pa
niya.
"Wow naman, my favorite. Paki
baba nalang d'yan sa table," ani Nini. Ipinakitang natutuwa siya sa
pasalubong ng magkasintahan.
Nagpatuloy pa si Nini, "Halika
nga dito sa tabi't magkwentuhan nalang tayo. Matagal na rin tayong hindi
nakakapag-usap ng sarilinan eh. Panay kasi ang labas n'yo ni Bong," aniya.
"O sige, ano naman ang
pagkukuwentuhan natin?" Usisa ni Jean.
"Wala, kahit ano. Alam mo, buti
ka pa ang saya-saya mo lalo na kung kasama mo si Bong. Sana, makatagpo rin ako
ng katulad niya para masarin ako," ani Nini.
"Hayaan mo, balang araw ay
makakatagpo ka rin ng ganoon." Pagbibigay lakas loob ni Jean sa kausap.
"Sinabi sa akin ni Bong, mahal
na mahal ka raw niya at tanging kamatayan lang daw ang makakapaghiwalay sa
inyo. Nakakainggit naman kayo," ani Nini.
"Kaya naman mahal na mahal ko
din siya eh. At iyon ay nang higit pa sa buhay ko na handa kong itaya lumigaya
lang siya," ani Jean.
"Tama na nga 'yan baka maiyak
pa ako. May klase pa tayo bukas kaya kumain na tayo at makatulog na
pagkaraan." Sabi ni Nini.