SI NINI ay
nasa mataas na antas ng lipunan. Pero naiiba siya sa lahat ng mga anak mayaman.
Marunong siyang makiharap at makisama sa kahit na sinong tao. Kaya naman
maraming malalapit ang loob sa kanya.
Kumpara sa iba, si Nini ay marunong
din sa mga gawaing bahay. Pinalaki kasi siya ng mga magulang niya na busog sa
pangaral at disiplina.
Katwiran kasi ng mga magulang ng
dalaga, paano nga naman kung dumating ang panahon na mawalay na ang kanilang
anak sa piling nila. At least, kung magkaganoon man ay hindi sila mag-aalala.
Tulad ngayon, nagbo-board si Nini
kasama ang pinsan na si Jean sa Maynila, paano na kung hindi siya marunong sa
mga gawaing bahay o walang alam ni ano man sa buhay kundi ang mag-aral, eh 'di
naging kaawa-awa lang siya. Hindi naman maganda kung aasa na lamang siya parati
kay Jean dahil hindi naman sa habang panahon ay magkasama sila.
Sa pamilya nina Nini ay siya lang
ang naiiba ng propesyon sa buhay. Ang mga magulang niya ay nagsipagtapos ng
medisina ganoon din ang Kuya niya, kaisa-isa niyang kapatid, samantalang siya
ay engineering ang kinukuha.
Masuwerte siya at nasunod ang gusto
niyang kuning kurso. Ang gusto ng Daddy niya ay medisina rin ang kunin niya
para daw lahat sila sa buong pamilya ay pare-pareho ng propesyon.
Kung tungkol naman sa buhay ng
dalaga ang pag-ibig ang pag-uusapan ay masasabing zero pa, wala pa siyang
nobyo. Tamang maraming nanliligaw sa kanya sa kasalukuyan pero wala naman sa
mga iyon ang hinahanap niyang mga katangian ng isang lalaking pinapangarap
niya.
Naiinis na nga siya kung minsan eh,
bakit hindi pa niya nakikita hanggang sa ngayon ang dream boy niya, ang
lalaking makakapag paligaya sa kanya. Katulad ni Bong!
Katulad ni Bong? Oo, katulad ni Bong
na nobyo ni Jean. Ang mga katangian ng binata ang matagal nang inaasam-asam ni
Nini na makita alin man sa isa sa mga masugid na nanliligaw sa kanya. Pero bigo
siya.
Kaya sa tuwi-tuwina ay nangangarap
na lamang siyang kapiling ang dream boy niya kahit na sa katauhan ni Bong. Pero
kung minsan ay dinadalaw siya ng pangamba at naitatanong niya sa kanyang sarili
na hindi kaya kasalanan kay Jean kung si bong ang pinapantasya niya sa kanyang
mga pangarap o 'di kaya ay sa mga panaginip?