KALAHATING
buwan na halos ang nakararaan buhat nang maganap ang hindi pagkakaunawaan nina
Bong at Nini ay wala pang komunikasyong
nagaganap sa kanila. Nagtitikisan siguro sila.
Kahit si Nini, buhat nang may
maganap sa kanila ni Bong ay hindi pa rin sila nagkikita pa ni Jean.
Magkahalong takot at hiya kasi ang nananaig sa kanya kaya ayaw niyang humarap
sa pinsan.
Isang araw:
Maganda ang gising ni Jean,
maaliwalas ang umaga sa kanyang mga mata pagbukas niya ng pintuan. Papunta siya
sa kanyang mga alagang halaman na kasalukuyang nagsisipamulaklak. Nakaugalian
na niya iyon, basta paggising niya sa umaga ay binibisita niya ang mga halaman
na alaga niya. Nalilibang-libang kasi siya sa mga bulaklak, lalo ngayon na hindi pa niya nakikitang muli
ang kanyang nobyo.
Ah, si Bong. Bigla niyang naalala.
"Kamusta na kaya siya ngayon?
Gusto ko na yatang sumuko, tila hindi ko kaya ang matagalan naming hindi
pagkikita. Bakit kaya hindi pa siya dumadalaw? Pangit naman kung ako'ng dadalaw
sa kanila upang makita siya. Never!"
Kahit naman pumunta man siya kina
Bong ngayon ay wala naman siyang aabutang tao doon. Ang balita, lahat sila ay
nasa Maynila (ang binata, ang kaisa-isa nitong kapatid at ang Nanay at Tatay
nito) at nakikituloy pansamantala sa kamag-anak ngunit kung sa anong
kadahilanan ay walang makapagsabi.
"Paano ngayon 'to? Paano kami
magkakaayos ni Bong?" pamaktol niyang bulong. Nag-isip pa siya nang
maaaring gawin na puwedeng maging solusyon sa problema niya.
"Si Nini!" Ang unang pumasok
sa isip niya. Magdidilig pa sana siya ng halaman pero mas importante sa kanya
ngayon na makabalita tungkol sa nobyo.
Agad din ay pumaroon siya kina Nini.
Ang naabutan niya doon ay si Becca, ang katulong.
Gulat na gulat si Jean sa ibinalita
ng katulong.
"Ay naku Jean, magdadalawang
linggo na ngayon buhat ng umalis si Ate Nini."
"Ha! Saan nagpunta?"
Mababanaag sa mukha ni Jean ang pagtataka. Baka naman binibiro lang siya ni
Becca, naisip niya.
Hindi pa nasasagot ng katulong ang
tanong ni Jean ay siya namang pag-entra ng mag-asawa, mga magulang na ni Nini.
Narinig pala nila ang usapan nina Jean at Becca, pati ang tanong ni Jean. Ang
lalaki ang sumagot.
"Nasa State na si Nini, Jean.
Two weeks ago pa. Kami ang naghatid sa kanya sa airport. Kadadating nga lang
namin ngayon eh, nag-stay muna kasi kami sa sister ko sa Makati. Naglibang kami
ng kaunti para naman hindi kami mainip sa pag-alis niya." Mahabang
salaysay ni Mang Peping.
Hindi makapaniwala si Jean. Pero
totoo na ito dahil ang magulang na mismo ni Nini ang nagsabi. Nakaramdam ng
tampo si Jean sa pinsan, umalis at umalis ito ng walang paalam sa kanya.
Paano na 'yan? Si Nini pa naman ang
inaasahan niyang makakatulong sa kanya upang maayos na ang relasyon nila ni
Bong.
Napukaw ni Aling Mercy ang atensiyon
ni Jean.
"Ah hija, may ibinilin nga pala
sa amin si Nini. Ipinabibigay niya sa iyo itong sulat bago siya umalis,"
anang Ina ni Nini.
Kinuha naman agad ni Jean. Halata
ang pananabik. "Samalat po..., magpapaalam na rin po ako."
"Nandiyan nga rin pala 'yung
address niya, kalakip ng liham," pahabol pa ni Mang Peping. Papalabas na
si Jean, lumingon at tumango.
Sa daan ay nagmumuni-muni si Jean,
ano kaya ang nakalagay sa sobre at makapal? Ano rin kaya ang nilalaman ng
liham? Naiusal niya sa sarili.
Sa bahay, pagsapit ng dalaga ay
tinungo agad ang kanyang
silid-tulugan.
Ganadong binuksan ang sobre, nakangiti pa. Binasa. At ayon sa sulat:
Jean,
Sinadya
ko na hindi magpaalam sa iyo. Ewan ko kung bakit. Siguro, hindi ko pa kayang
humarap sa iyo ngayon.
I
treat you as my sister and best friend from the beginning. Palagay na palagay
ang loob ko sa'yo, kaya naman mahal na mahal kita.
Siyanga
pala, remember the last time na may naikuwento ako sa iyo tungkol sa
pagpetisyon ng kuya ko sa akin noon? Well, tinanggap ko na, kailangan eh.
At si
Bong, speaking of him, mahal na mahal ka niya. Alam ko dahil pinatunayan niya
sa akin 'yon. Kaya please, mahalin mo din siya, huwag mo siyang sasaktan.
Napakasuwerte mo nga dahil may nagmamahal sa iyong tulad niya kaya huwag mo'ng
hayaan na dumating pa ang araw na mapunta siya sa iba.
The
real reason why I live ay ayokong masira ang inyong relasyon ni Bong. Ako na
ang kusang lumayo upang hanggang maaga ay mapigilan ang maling pag-ibig na
umuusbong sa damdamin naming dalawa.
So
Jean, promise you'll stay. Pabigyan mo na siya, huwag ka nang umalis.
I'm
trying to be honest to you. I confessed, I love him. Forgive me Jean.....
Nini
Hindi malaman ni Jean kung ano ang
gagawin dahil sa nabasa. Walang patid sa pagluha ang kanyang mga mata. Hindi
niya akalaing magkakatotoo ang pangitain niya noon. Marahil ay nagkaroon siya
ng pagkukulang kay Bong. Marahil ay nakita ni Bong kay Nini ang pagkukulang
niyang iyon, nausal ng dalaga.
Ngayon ay nagsisisi si Jean. Ang
prinsipyo o pagmamahal? Pagmamahal na ang pipiliin niya. Ayaw niyang mawala sa
kanya si Bong, hindi niya kaya. Naiinggit siya kay Nini. Buti pa ang pinsan
niyang ito, pinanatili ang katapatan ng pag-ibig.
Sa halip na magalit siya kay Nini ay
inunawa niya ito. "Kay palad ng magiging kabiyak ng aking pinsan,"
naibulong niya. Bihira nga naman ang katulad ni Nini, nagsakripisyo alang-alang
sa dalawang pusong nagmamahalan na pareho niyang mahal.