PAANO HUHUGASAN ANG PUSO?
CHAPTER 3

KUNWARI'Y KAPATID

PAGDATING ni Edwin galing ng trabaho ay hinanap agad niya si Clara. Tinawag niya dahil nasa itaas yata ng bahay. Bumaba iyon na kinukuskos ang mga mata. Natutulog pala.

            "Halika nga dito, Clara." Paglapit ng dalaga ay ihinagis agad ni Edwin ang binili niyang bestida para kay Clara. "O, magbihis ka naman at nangangamoy ka na d'yan sa soot mo."

            Nakaramdam ng pagkahiya si Clara. Hindi kumibo. At ang totoo ay hindi siya sana'y na magsoot ng ganoong damit. Nasanay kasi siya sa pantalon at t-shirt.

            "Salamat." Tanging nasabi ni Clara.       

            May kasunod pa ang bestidang iyon. Ihinagis pa ni Edwin ang half-slip. Nasapo naman ng dalaga.

            At laging gulat pa ni Clara ng ang masapo naman niya ay bra.

            Napangiti naman ang lalaki. "Alam kong kailangan mo 'yan. Isang dosena 'yan."

            At mayroon pa.

            "At alam kong mas kailangan mo ito." Sabay hagis sa panty na tumama sa mukha ni Clara. Nagtatawa si Edwin. Ibig mapika ng dalaga pero wala siyang nagawa kundi ang magpasalamat.

            "Alam kong nangangati na siya kaya ibinili na rin kita niyan. Isang dosena rin 'yan, medium size." Hindi napigilan ni Edwin ang tumawa.

            "Bakit? Ano ang nakakatawa?" Halatang naiirita na si Clara.

            "Tama ba ang sukat niya, tinantiya ko lang kasi 'yung ano mo eh." sabay kamot ng binata sa batok. Nakatawa.

            "Nakakahiya naman sa iyo, Edwin."

            "Wala iyon. Basta ituring mo ako na iyong Kuya. Simula ngayon, ang tawag mo sa akin ay Kuya, Kuya Edwin. Ilang taon ka na ba?"

            "Magtu-twenty na ako, Edwin, este Kuya Edwin pala."

            "Hindi na alangan, ako eh twenty-four na."

            Nagturingang parang magkapatid ang dalawa. Naging malapit sila sa isa't isa.

            Minsan, isang umaga: Nag-aalmusalan ang dalawa. Papasok na si Edwin sa trabaho niya.

            "Siyanga pala, Clara, mamaya pagdating ko ay sasamahan kita sa kaibigan kong si Randy. Ipapasok kitang kahera sa restaurant niya."

            Biglang napahinto sa pagkain ang dalaga. "Siyanga ba, Kuya Edwin?"

            "You heared! Para naman hindi ka naiinip dito sa bahay, 'di ba?"

            Hindi pa man napapasok ang dalaga ay lubos na ang kasiyahang nadama nito. Lumapit siya kay Edwin at hinalikan niya iyon sa pisngi. "Ang bait mo talaga, Kuya Edwin. Hayaan mo't balang araw ay makagaganti rin ako sa iyo ng utang na loob."

            "Naku, mano ngang tumigil ka na d'yan ng kadramahan mo't baka madiskubre ka pa ni Mother Lily." Siste naman ni Edwin.

            "Ang Kuya ko naman! Nagpapatawa eh hindi naman siya kalbo."

            Nagtawanan ang dalawa.

            Tinupad nga ni Edwin ang sinabi kay Clara. Makapananghali ay umuwi na siya. Tumakas siya sa shop. Isinara niya iyon ng maaga. Kapag nalaman ni Michelle ang ginawa niya ay pihong malilintikan na naman siya doon.

            Hindi kalayuan ang restaurant ni Randy, sa may Welcome lang naman iyon.

            Malayo pa sina Edwin at Clara sa restaurant ay tanaw na ng binata si Randy, naroon malapit sa pintuan ng establismento niya't nakatawa.

            Pagsapit ng dalawa, "Oh pare, welcome to my little poor restaurant," ani Randy, nakatawa.

            "Hambog! Papasukin mo na kami at papakainin mo pa kami, hindi pa kami nanananghalian eh." Bungad naman ni Edwin sa kaibigan. Kababata niya si Randy, pareho silang laki sa probinsiya kaya magkasundong-magkasundi sila.

            Tapos si Randy ng HRM, sa UST rin kaya naman hindi kataka-taka kung napaunlad niya ang mumunti niyang restaurant.

            Tahimik lang si Clara habang nag-uusap ang magkaibigan.

            "Pare, sino na naman 'yang kasama mo? 'No'ng last time nga lang eh namula ka kamumura ng s'yota mo tapos ay hayan ka na naman." Pabulong ni Randy kay Edwin.

            "Ehem! Ah siya nga pala, Randy, ---si Clara, kapatid ko."

            Malugod namang ngumiti si Clara. "Magandang hapon po, Sir."

            "Ah eh, bata pa naman ako at binata pa kaya huwag mo na akong popoin." Pagkaraan ay sinikreto muli ni Randy si Edwin. "Saan mo ba napulot 'yan 'dre? Bebot ba bebot pa." May pagkainggit sa tinig ni Randy.

            "Pare, ampon ko 'yan. Maki-ride ka na lang," simple rin namang bulong ni Edwin. Hindi naririnig ni Clara ang pinagbubulungan nila. Maya-maya pa ay naghagikgikan ang dalawang lalaki kaya naman nanghaba ang leeg ng dalaga at pilit na winawari kung siya ba ang paksa ng dalawa.

            Unang kita pa lang ni Randy kay Clara ay natipuhan na niya agad ang dalaga. Alam niyang babawalan siya ni Edwin kaya umisip siya ng paraan. "Edwin, hindi ko alam na may kapatid ka palang maganda," sabay sulyap ng binata kay Clara. Napayuko naman at nahiya ang dalaga.

            "I told you, ampon ko 'yan!" impit na bulong ni Edwin kay Randy. Alam niya kursunada nito si Clara. At alam din niya kung gaano katinik sa chicks si Randy. Hindi! Hindi iibigin ni Clara si Randy kung magkagayon man. Basta! Naibulong ni Edwin sa sarili.

            Biglang iniba ni Edwin ang usapan. "Siyanga pala pare, ipapasok ko sana itong si Clara kahit na kahera sa restaurant mo."

            Parang kidlat kabilis sa pandinig ni Randy. "Aba eh oo. Tamang-tama!" May kislap sa mga mata ng loko. "Aalis na ngayong linggong ito ang kahera ko dahil uuwi daw siya sa bicol."

            "Eh kailan naman ako puwedeng mag-umpisa?" Halata sa boses ni Clara ang pananabik sa trabaho. Gusto kasi niya'y kumita na para naman makatulong na siya kay Edwin sa mga gastusin sa bahay. Kaya kahit alam niyang maliit lamang ang kikitain niya sa restorang iyon ay ikinalulugod na niya.

            "Ngayon din kung nais mo ay maaari ka nang mag-umpisa," nag-uumapaw ang kasiyahang sagot ni Randy pagkat mula sa araw na iyon ay makikita na niya palagi si Clara. Naiisip pa niya, lagi niya itong ihahatid kapag off na nito sa trabaho.

            Masaya si Clara sa pag-uwi nila. Samantalang si Edwin naman ay naghihimutok at nagsisisi kung bakit pa niya doon kay Randy ipinasok ng trabaho si Clara. Naisip niya tuloy na baka ligawan ng damuho si Clara. Hindi siya papayag. Oo, dahil unti-unti'y nagkakalaman na ang kanyang damdamin para sa babaing kunwari ay kapatid niya. Hindi naman iyon puna ng dalaga sa ngayon.

            Kung minsan ay nagiging malalim na palaisipan para kay Edwin ang ginagawa niyang pakikitungo kay Clara. Hindi naman sa nanunuos ang binata pero kung tutuusin ay malaki na rin ang nagagawang abala sa kanya ni Clara.

            Tulad lang ng pagbili-bili niya ng mga damit dito na ni minsan ay hindi niya nagawa kay Michelle. Ayaw niyang aminin pero sa tingin niya'y pag-ibig na iyon. PAg-ibig na ang nadarama ni Edwin para kay Clara sa sandali ng kanilang pagsasama.

            Muli ay niregaluhan ni Edwin si Clara ng tatlong pares nang magandang damit na gagamitin ng dalaga sa trabaho niya. Mukhang nadadala na rin si Clara sa pag-iintinding iyon ng binata sa kanya, asikasong-asikaso kasi siya.

            "Kay buti ni Kuya Edwin, sasabihin kong luka-luka ang babaing hindi iibig sa kanya," naibulong ni Clara sa sarili at naisip ang sinabi. Siya rin naman ay isang babae kaya posibleng umibig siya kay Edwin gaya ng sinabi niya. Napabuntong hininga siya. Pakiramdam niya kasi'y may special treatment siyang itinatago para kay Edwin, sa Kuya Edwin niya.

            Naputol ang kanyang pag-aagam-agam ng marinig niya ang tinig ni Edwin. Nakaharap siya noon sa salamin at inaayos ang bestidang soot, isa sa mga bigay ng binata sa kanya.

            "Wow! Super sexy naman ang kapatid ko."

            Ano ba't nakaramdam ng kilabot sa katawan si Clara ng lapitan siya ni Edwin at hagurin ng himas sa braso. Napapikit siya. Napamulat sa sinabi ni Edwin.

            "Nagustuhan mo ba?" tumango naman si Clara at laking gulat nito ng higitin siya ng yakap ni Edwin. Nawalan ng kibo ang dalaga. Kinabahan. Agad din namang napawi at huminahon.

            "Alam mo Clara, sabik ako sa isang kapatid na katulad mo. Maliit pa lamang ako'y inasam ko na ang magkaroon ng kapatid ngunit hanggang ngayon ay wala. Pero ng makilala kita ay para nang natupad ang pangarap ko. I love you Clara." Kasabay noon ay isang halik sa noo ng dalaga buhat sa kanyang Kuya.

            "Kuya Edwin....." Napayakap si Clara. At unti-unti ay bumitiw. Napahiya siya ng makitang nakatitig sa kanya si  Edwin.

            Sabay na lumabas ng bahay ang dalawa. Nagsabay din sa sasakyan. Naunang bumaba si Clara dahil sa may Welcome(Rotonda) lang siya bababa, si Edwin ay sa may UST pa.

            Malayo na si Clara sa paningin ng binata ay nakalingon pa rin ito't ihinahatid siya ng tingin.

            Muli na naman ay nakita ni Edwin si Randy na sinalubong pa si Clara. Nanibugho na naman siya.

            Bad trip si Edwin ng dumating sa shop. Buti na lang at wala si Michelle, walang pupuna sa mood niya ngayon. Naalalang ni Edwin, magdadalawang linggo na niyang hindi nakikita si Michelle. Ni sa phone ay hindi sila nagkakausap.

            Inisip na lamang ni Edwin na baka abala sa pag-aaral ang nobya. Umpisa na nga naman ng klase.

            Pero ang iniintindi ni Edwin ng higit ay ang nasa sinapupunan ng kanyang nobya. Magtatatlong buwan na 'yon at ilang buwan pa ay halata na. Kapag nagkataon at nabisto iyon ng mga magulang ni Michelle ay tiyak na magkakaasawa siya ng hindi oras.



<<<== Previous Chapter  |  Next Chapter ==>>>