PAANO HUHUGASAN ANG PUSO?
CHAPTER 4

PINAGSELOSAN

ANG GANDA ng gising ni Clara sa umagang iyon, araw ng Linggo. Wala si Edwin sa bahay, hindi niya nagisnan kaya hindi niya alam kung saan pumaroon.

            Nagluto na siya at naghain para kakain na lamang sila pagdating ni Edwin dahil baka namasyal lamang iyon o 'di kaya ay nag-jogging sa compound ng UST.

            Wala pa rin ang binata kaya naglinis muna ng bahay si Clara pagkatapos ay naligo na siya.

            Samantala, sa daan ay nasa-mood si Michelle na papunta sa apartment ni Edwin lulan ng eng-eng niyang Civic(Honda), 'yung tinatawag ng karamihan na singkit.

            Dadaanan ni Michelle ang nobyo at yayayaing magsimba. Ilang Linggo na rin naman silang hindi nagkakasama ni Edwin, ang huli ay noong kumain sila na pagkatapos ay nauwi sa hindi pagkakaunawaan at nagtampo siya. Napangiti ang dalaga. Naisip kasi niya ang ugali niya kung minsan, buti na lamang at maunawain itong si Edwin.

            Bantad na si Michelle sa mga kapitbahay ni Edwin, lalo na doon sa dalawang bruha na selos na selos sa kanya. Sa tuwing ipaparada kasi niya ang kotse sa harapan ng apartment ay nangakairap sa kanya ang mga babaing iyon kung minsan ay naririnig niyang nagbubulungan pa "Hayan na naman ang maldita!" naririnig niya.

            Diretso si Michelle sa loob ng bahay ni Edwin, bukas kasi ang pinto. Ganoon siya, wala nang katok-katok, tuloy-tuloy na lamang. Lalo na kung umagang ganoon at bukas rin lang ang pintuan. Gusto kasi niya'y nasosopresa si Edwin. Pero ngayon ay iba ang nangyari. Siya ang nasopresa pagpasok niya sa kuwarto ng nobyo.

            "Ha?!"

            Gulat na gulat si Clara ng malingunan si Michelle na nakapamewang at nagtataka ring nakatingin sa kanya.

            Sa loob-loob naman ni Michelle, hindi niya alam na may kasamang babae sa bahay si Edwin. Hindi naman niya aakalaing katulong dahil alam niyang hindi ganoon kaluho ang kanyang nobyo. Isa pa ay wala siyang alam na may kapatid ito.

            "Sino po sila?" Nagdududa ang tinig ni Clara. Noon lang niya nakita si Michelle at hindi niya alam na ito ang nobya ni Edwin.

            "Ako ang dapat magtanong sa iyo kung sino ka at kaano ano ka ni Edwin." Prangka ang dating ni Michelle. Medyo nanlilisik pa ang mga mata. "Hindi mo ako kilala? Ako si Michelle! Ako ang girlfriend ni Edwin. Nasaan siya?"

            "Wala siya. Ako nga pala si Clara. Kapatid ako ni Kuya Edwin."

            "Kapatid?! Ang alam ko'y nag-iisa lamang siyang anak ng mga magulang niya," may pagdududang sabi ni Michelle.

            Hindi kaagad nakaimik si Clara. Nag-isip ng maisasagot. Bakit ba kasi iyon ang naisagot niya?

            "Oo! Kapatid ko si Clara--- sa labas."

            Lumingon ang dalawang babae at nakita nila si Edwin. Parang nabunutan ng tinik sa lalamunan si Clara, napangiti pa.

            "Kuya Edwin!" Nakangiti si Clara.

            Samantalang si Michelle ay nagdududa pa rin. Maaari nga namang magkakuntsaba ang dalawa at pinagsisinungalingan siya. Baka live-in partner ni Edwin si Clara, naisip pa ng dalaga.

            "Hindi mo siya kilala, Michelle. Nagbabakasyon lamang siya dito," sabi pa ni Edwin sabay lapit sa nobya at niyakap. Ngumiti naman iyon.

            "Clara---, ipaghanda mo nga ng maiinom si Ate Michelle mo," utos ni Edwin sa kunwari'y kapatid. Sumunod naman iyon at tinungo ang kusina. Pagkaraan ay hinarap ng binata ang nobya. "Oh, kamusta na ang s'yota kong sexy at beauty?"

            "Well--- heto, umaasam pa rin sa pagpayag mo." Kasal ang tinutukoy ni Michelle.

            Napangisi si Edwin.

            "Oh, ano naman ang nakakatawa sa sinabi ko?" May pagkabagot sa tinig ni Michelle. Natahimik naman at umiling ang nobyo.

            Mula sa kusina ay pasilip-silip si Clara sa magkasintahan, nakanguso pa. Titig na titig siya kay Michelle. Bakit ganoon ang nadarama niya, pakiramdam niya'y naiinis siya. Ah, siguro nga'y naninibugho siya kay Michelle dahil alam niyang mahal ito ni Edwin (kaysa kanya).

            May pag-ibig na ngang umuusbong sa puso niya. Pero hindi maaari, baka lumuha lamang siya. Ayaw niya.

            Sandaling napagting ang magkasintahan sa kanilang pag-uusap sa pagsiwang ni Clara.

            "Excuse me. Ah, with cream ba 'yung coffee or with milk?"

            "I want black coffee, without milk or cream." Si Michelle na ang sumagot.

            Antipatika ang dating ni Michelle kay Clara, matapang. Kaya naisipan ng dalagang tapangan ang kape at huwag nang lagyan ng asukal. Titingnan niya kung ano ang magiging reaksiyon ni Michelle paghigop sa kape. Siguradong mapapangiwi iyon sa pait, nakikinikinita niya. Napangisi pa si Clara.

            Balintuna kay Edwin. "Alam mo, Michelle, specialty ni Clara ang pagtitimpla ng kape. 'Yung tipong sasabihin mong isa pa nga pagkaubos," pagyayabang ng binata. 

            "Malalaman natin," matawa-tawang tugon ni Michelle. "By the way, aayain sana kitang magsimba ngayon."

            "Sure! Wala naman akong gagawin eh." Lalong sumigla si Michelle sa narinig pero napasimangot ito ng magpatuloy sa pagsasalita si Edwin. "Isama natin si Clara."

            "Speaking of Clara! Nadiyan ba siya?"

            Si Randy ang dumating. Porma pa lang ay alam na ni Edwin kung ano ang pakay ng kaibigan, tiyak niyang aakyat ito ng ligaw kay Clara. Narinig iyon ni Clara pero sa halip ay hindi ito nagpakita.

            "Para ka namang Intsik pare, kay-aga mong umakyat ng ligaw," siste ni Edwin. Kabisado na ni Randy ang pagbibiro ng kaibigan kaya hindi siya napikon.

            "Ang pag-akyat daw ng ligaw sa umaga ay parang pag-akyat sa paraiso," matawa-tawang tugon ni Randy. Nagtawanan silang tatlo.

            Paglabas ni Clara ay dala na ang kape ni Michelle.

            "Akala ko eh nalunod ka na sa kapeng tinimpla mo, kay tagal-tagal. Oh, si Randy dadalawin ka raw," ani Edwin kay Clara.

            Nakangiting hinigop ni Michelle ang kape. Inaantabayanan naman ni Edwin ang magiging reaksiyon ng nobya.

            Ibig ibuga ni Michelle ang kape. Medyo malamig na kaya napalaki ang lagok niya kaya lasang-lasa tiyak ang kapaitan at pakla.

            "Oh, masarap 'di ba? The best talagang magtimpla si Clara," nagmamalaki pa rin si Edwin.

            Guilty si Clara. Upang makaiwas ay niyaya si Randy sa may labas ng bahay. May silya doon at alanganing mesa. Iniwan nila sina Michelle at Edwin sa sofa.

            Nakabuntot ang irap ni Michelle kay Clara. Hindi nagtagal ay nagkayayaan nang magsimba ang magkasintahan. Napadaan ang mga ito kina Randy at Clara.

            "Maiwan na namin kayo d'yan, ha?" ani Edwin.

            "Saan kayo pupunta Kuya?" usisa ni Clara.

            Si Michelle ang sumagot. Namewang muna at itinaas ang isang kilay, bumuntong hininga pa. "Magsisimba."

            Wala pang gaanong napag-uusapan sina Randy at Clara maliban sa ibinigay ng lalaking roses at chocolates.

            "Kuya, sasabay na raw si Randy, magsisimba rin daw siya eh. 'Di ba, Randy?"

            "Ha? Ah oo. Sasabay na ako, pare." Napakamot sa batok si Randy. Natawa naman ng lihim si Edwin sa pagpapakita ni Clara ng kawalang interes kay Randy.

            "Kuya, hindi ka pa kumakain." Si Clara.

            "Sa restaurant na ni pare."

            Naiwang mag-isa sa bahay si Clara. Napalitan ng pagka-bad trip ang magandang mood niya kanina lalo pa't nagugunita niya ang mga irap ni Michelle bago umalis ang mga iyon. Marahil ay sa ipinainom niyang kape.

            "Suya naman! Hindi man lang nasulit ang niluto ko. Dumating pa kasi ang dalawang asungot na iyon eh!" Maktol ni Clara, pabulong. Nawalan na siya ng ganang kumain.

            Samantalang sa kotse, habang papunta sa UST church ang tatlo ay nagbubulungan ang dalawang lalaki.

            "Pare, mukhang mahirap paibigin ang ampon mo. Bagdududa ako sa ikinikilos niya eh. Mukhang ikaw ang gusto. Baka naman may namagitan na sa inyo." Sabay sunggo ni Randy sa tagiliran ni Edwin. Sa likod silang dalawa, si Michelle lang ang nasa una.

            "Sira! Ang sabihin mo, mahina na talaga ang sex appeal mo."

            Sumabad si Michelle sa usapan ng dalawang lalaki. "Para kayong mga ipis diyan. Ngisihan kayo ng ngisihan. Ano bang paksa?"

            "Itong si Randy kasi, type na type daw ang little sister kong bebot. Ang kaso..... hindi naman siya type," maarteng sabi ni Edwin sabay tawa.

            Sa tagpong iyon, naisip ni Michelle na mali ang hinala niya kanina. Hindi niya dapat pinagdudahan si Clara at ang kanyang nobyo.   



<<<== Previous Chapter  |  Next Chapter ==>>>