PAANO HUHUGASAN ANG PUSO?
CHAPTER 2

KUNWARI'Y ALILA

HAPON na ng dumating sa inuupahang bahay si Edwin. Patuloy na gumugulo sa isipan niya si Clara. Bakit sa tuwing magkakatitigan sila kanina ay tila may kung anong bagay na parang kumukoryente sa katawan niya. Naging palaisipan sa binata si Clara. Gabi na ay hindi pa rin siya makatulog.

            Bumangon si Edwin at tinungo ang kusina. Naghalungkat siya ng makakain sa loob ng ref. Isang boteng beer ang kinuha niya, pagkabukas ay siyang tinutungga-tungga pabalik sa kanyang kama.

            "Ah.... Kailan ba ako magkakaroon ng katahimikan? Mukhang problema na naman itong haharapin ko ah. Ito nga lang kay Michelle eh..." Bigla niyang naalala si Michelle, ang kanyang nobya.

            Nagpabalik-balik sa kanyang pandinig ang mga sinabi nito sa kanya na buntis daw ito at kailangang pakasalan niya. Ah! Ano ba ang gagawin niya. Lalo pang gumulo ang isip niya. Kaya lalo ding napadami ang nainom niyang alak. Nakatulog siya sa pagkalungo sa alak. Nang magising siya ay tanghali na. May pasok pa siya. Kailangang magbukas na ang computer rental shop dahil working hours na.

            Agad siyang gumayak at dumiretso na sa shop. Nandoon na si Michelle. Malas naman talaga ni Edwin, oo. Business minded pa naman ang nobya kaya napagalitan na naman siya na para bang empleyado sa isang kumpanya na sinisita ng management.

            Nagpaliwanag naman ang binata. Ngunit....

            "Ganyan ka naman eh..." Yamot ang tinig ni Michelle.

            "Pero iyon ang totoo." Nagmamatuwid naman si Edwin.

            "O s'ya, s'ya. Trabaho na tayo at nang kumita." Maldita ang dating ng nobyang iyon ni Edwin.

            Tapos naman ng Engineering si Edwin at maaaring makakita ng mataas na sahod. Kung hindi nga lang ba niya nobya ang babaing iyon, eh matagal na siguro siyang lumayas sa trabahong iyon. Isa pa ay pinakiusapan din siya ng mga magulang ng nobya na siya na muna ang mamahala sa shop na iyon habang nag-aaral pa ang anak nila. 

            Tapos na rin naman itong si Michelle ng Com-Sci sa UST pero nag-aral muli at kumuha naman ng Civil Law. Ewan ba kasi sa babaing iyon, hindi alam kung saan ilulugar ang sarili. Palibhasa ay may gagastusin kaya sige naman ang kanyang mga magulang at natutuwa pa dahil masipag daw mag-aral ang kanilang anak.

            Hindi naman kalakihan ang shop na binabantayan ni Edwin na nandoon sa corner ng Eloisa st. at ng Espaņa. Tapat pa ng Minute burger kaya lantad sa tao. Malakas din ang kinikita, kung tutuusin ay sulit na. 'Yun nga lang, mababa ang pasuweldo kay Edwin dahil ang katwiran ng nobya ay sa kanila din naman mapupunta ang kinikita niyon kapag kasal na sila.

             Maagang nagsara ang shop. Dinaanan kasi ni Michelle ang nobyo at inayang manood ng sine tuloy ay kakain sila sa labas.

            "Paano tayong kikita ng malaki eh nagsasara tayo ng maaga?" pakli ni Edwin.

            "Ito naman, minsan lang maglambing sa iyo ang tao eh," malambing na sabi ni Michelle.

            Si Michelle? Naglalambing? Kailan pa ito natutong maglambing kay Edwin? Kaya ang binata mismo ay naninibago. Ah, siguro nga nagbago na ng ugali itong si Michelle. Hindi na siya ang nobya ni Edwin na maldita at nang-aander ng nobyo kahit sa harap ng publiko.

            May isa pang nabuo sa isipan ni Edwin: "Sadyang ganoon lang siguro talaga ang nagbubuntis, may pagbabagong nagagawa sa pag-uugali."

            Matapos manood ng sine ay kumain na sila at habang kumakain ay muli na namang nabuksan ang paksa ng problema nilang dalawa.

            "Ano na ang napagdesisyunan mo, Edwin? Will you marry me?"

            "Nagmamadali ka naman eh. Give me more time. It's only October at two months palang 'yan. Kahit naman sa January next year pa tayo pakasal ay hindi pa mahahalata 'yan."

            "Sira! Five months na 'to sa January. Kaya dapat, before the end of this year ay pakasal na tayo."

            Muli ay nawalan ng kibo si Edwin. Natatanto niyang sa kanya nga ang laman ng tiyan ni Michelle kaya gayak naman niyang panagutan ito. Pero hindi pa nga sa ngayon.

            Nagtatakip silim na. Nagyaya nang umuwi si Edwin. Naalala kasi niya si Clara, kawawa naman dahil tiyak na walang nagbabantay sa dito. Dadalawin niya.

            "Love, gusto kong sumama sa iyo sa apartment mo, gusto kong..... alam mo na... hhmmm..." Naglambing pa si Michelle.

            Paano na ngayon? Hindi maaaring malaman ni Michelle na may dadalawin siyang babae sa ospital tiyak na puputok na naman sa selos ang butse nito.

            "Kasi ano eh... Kuwan, may lakad ang barkada. Inuman iyon," palusot ng lalaki.

            "Kahit na ba. Basta sasama ako!"

            "Maraming barako doon. Puro lalaki kami. Hindi bale sana kung may babae, at least, may magiging company ka. E wala. Ano ang gagawin mo doon? tutunganga at manonood sa umiinom ng alak."

            Napikon si Michelle. Natuwa naman ang binata. Ngunit nag-alboroto ang kanyang nobya, antimano ay umalis at iniwanan siya. Buti na lang kamo at nakabayad na ito sa bill ng kinain nila. Kung nagkataon ay yari si binata, wala pa naman siyang pera ngayon kundi biente pesos lang nasasapat pamasahe pauwi.

            Sa Shakey's sila kumain, sa tapat ng UST gilid ng Espaņa. Marami naman siyang kakilala sa mga crew na mahihiraman niya. Pero kahit na nakakahiya pa rin kung nagkataon.

            Naalala niyang may ATM sa UST sa may old building. Dumaan siya ay nag-withdraw ng one thousand. Bumili siya ng iba-ibang prutas at dinala kay Clara.

            Gabi na ng sapitin niya ang ospital. Tulog si Clara ng masumpungan niya sa kuwarto. Dahan-dahan siyang lumapit at inilapag ang dala sa mesa. Pinagmasdan niyang maige ang maamong mukha ng dalaga.

            "Sana ay ikaw na lang ang naging si Michelle," naiusal niya.        Hindi napigilan ng binatang 'di himasin sa noo ang dalaga. Napakislot iyon at nagising. Nginitian niya. Tumitig muna bago gumanti ng ngiti si Clara.

            "O Edwin..., kanina ka pa ba?"

            "Hindi naman. Siyanga pala, may dala akong prutas para sa iyo. Okay ka ba rito?"

            Tumango naman ang dalaga at ngumiti na sa pakiramdam ni Edwin ay nakapagpaalis sa pagod niya at kunsomeng tinanggap kanina mula sa nobya.

            Ganoon lang palagi, padaan-daan, padalaw-dalaw lang si Edwin kay Clara. Hindi nagtatagal ang binata doon. Hanggang sa dumating ang araw ng paglabas ni Clara sa ospital. Inabot siya ng limang araw doon. Walang nagawa si Edwin kundi ang saluhin ang gastusin sa ospital. Ewan ba niya, hindi niya mapabayaan si Clara. Hindi niya matiis. Kung kay Michelle nga lang eh. Ah! Ayaw ni Edwin na bigyang-malisya ang damdamin niya kay Clara. Kapatid ang turing niya dito.

            Alanganin ang oras noon. nasa labas na ng ospital ang dalawa. Oras na rin ng paghihiwalay nila.

            "Kay bait mo, Edwin. Napakasuwerte ng babaing iibig sa iyo. Maraming salamat. Ipalagay na nating utang ko sa iyo ang aking buhay. Kung hindi sa iyo ay baka kung napaano na ako. Ewan ko."

            "Wala iyon. Kahit sino naman sa ganoong sitwasyon ay tutulungan ko. O sige, sana ay magkita pa tayo. Mag-iingat ka na simula ngayon, ha?" Masaya ang paghihiwalay nilang iyon.

            Malayo na ng lumingon si Edwin sa kumaway na si Clara, nakangiti sa kanya. Pagkaraan ay nakita niyang naupo sa bench at nangalumbaba. Nagmuni-muni siya. At naalala, saan nga pala pupunta si Clara eh hindi alam kung nasaan ang kaibigan niya. Wala naman itong kamag-anak doon sa Maynila.

            Bumalik si Edwin at lumapit sa matamlay na babae. "Clara...."   

            Lumingon naman ang dalaga at bumati rin. "Hoy...." kinumpasan pa ng kamay ang binata at muli ay nangalumbaba. Wala sa loob na nasa likod niya si Edwin. Nagulat pa siya ng muling lingunin ang binata. "Edwin?!"

            "Oo, ako nga."

            "Ano'ng ginagawa mo dito? Hindi ba't umalis ka na?"

            "Oo nga, pero naalala kita. Saan ka nga pala tutungo ngayon?"

            Nagkibit balikat ang dalaga. "Bahala na."

            "Aba! Hindi puwede dito sa Manila ang bahala na lalo na sa isang katulad mong babae."

            "E sa wala akong matutuluyan, ano'ng magagawa ko."

            Gustong matawa ni Edwin sa ayos at porma ni Clara. Naka-ambel ng pantalon at naka-t-shirt ng may hood, nakapamewang pa. Halatang marumi na ang damit ng dalaga. Wala namang mapagbihisan dahil ninakaw lahat ng gamit niya.

            "Kung gusto mo, sa akin ka na lang tumira. Tutal ay wala akong alila sa bahay," natawang sabi ni Edwin.

            "Ano kamo?! Aalilain mo ako? Bakit? Milyonaryo ka ba?" Nakakunot ang noo ni Clara, halos magkasalubong ang kilay. Nakapamewang pa at nakanguso. Tinitigan si Edwin pataas-pababa.

            "Bakit? Pasusuwelduhin naman kita ah. Ba't mo ba ako tinititigan ng ganyan, may dumi ba ako sa katawan?"

            "Wala."

            "Ayaw mo yata eh, aalis na ako!" Tumalikod si Edwin at akmang aalis na nga.

            "Hintay! Sandali lang." Lumapit si Clara. "Sige, sasama ako. Payag na ako." Sabay bunot sa bullcap niyang nasa bulsa sa likuran ng kanyang pantalon. Isinuot ng ala-bad boy at umarya na sila ng lakad ni Edwin patungo sa bahay na tutuluyan nila. Doon lang din iyon sa Araneta. Tatlong apartment na tabi-tabi ang nakita ni Clara. Sa gitna sila tumuloy.

            Tinginan lahat ng kapitbahay ni Edwin sa kasama. Tiningnan din iyon ni Clara, pinandilatan pa.

            "Edwin, sino siya, tsimay mo?" malambing na usisa ng isang hindi kagandahang dalaga pero seksi at naka-short ng maiksi. Tipong umaalembong kay Edwin.

            "Ah, Edwin, saan mo naman napulot ang kutong-lupang iyan?" tanong naman ng isang dalaga rin na sa kabila naman nakatira. Pinandilatan iyon ni Clara ng mata at pinamewangan. Sa lahat! Ayaw na ayaw ni Clara na tatawagin siyang kutong lupa.

            Tumingin si Clara kay Edwin at tinatanto kung ano ang isasagot nito sa dalawang alembong na iyon na parang si sorayda at kurdapya ang pagmumukha.

            Tumawa muna si Edwin. "Ah, ito ba?" Kinabig niya si Clara at inakbayan, inalog-alog at pinalo sa puwit. "Sige na, Clara, pumasok kana." Pumasok man si Clara ay nakinig sa binata.

            "Si Clara 'yon, kapatid ko. Sinundo ko sa probinsiya dahil wala akong kasama sa bahay," naidahilan ni Edwin

            "Bakit naman sinundo mo pa siya eh nandito naman ako na handang samahan ka sa gabi't araw," anang kahawig ni Sorayda. Humagikgik pa.

            "Oo nga naman. Bakit? Ayaw mo na ba sa mga pagkaing ibinibigay ko sa iyo. At saka ipinaglalaba naman kita ah." May pagtatampo sa tinig ng kahawig ni Kurdapya.

             Tawa ng tawa si Clara sa asal ng dalawa. Abot na kantsaw ang inabot ni Edwin sa kunwari'y alilang dalaga.



<<<== Previous Chapter  |  Next Chapter ==>>>