"EDWIN..., two months na akong hindi dinadatnan!" Sinabi na ni Michelle ang buong katotohanan sa nobyo ngunit ang kinauwian ay pagtatalo.
"Ano?!" Nabigla talaga si Edwin. "Once lang namang nangyari sa atin 'yon ah? At 'di ba nagplano tayo tungkol doon?"
"Kailangang mabigyan ng pangalan ang bata, kailangan niya ng Ama. Kailangang pakasal tayo dahil kapag nalaman ng mga magulang ko ito ay tiyak na papatayin nila ako!"
Prangka si Michelle, gayong may problema siya ay wala pa ring luha sa kanyang mga mata. Katwiran kasi ng dalaga'y hindi nalulutas ang problema sa pag-iyak, kailangang gumawa ng paraan upang malutas ito. Ngunit mali ang paraan niya, hindi pumayag si Edwin sa gusto niyang mangyari.
"Kasal?!" Tumaas ang kilay ng binata. "Hindi ba't sinabi ko sa'yo noon pa na gusto kong marating muna ang pangarap ko bago ako lumagay sa magulong buhay?"
Oo. Magulong buhay ang tawag ni Edwin sa buhay may pamilya dahil sa nagisnan niyang naging pamumuhay nila mula ng maliit pa siya. Iginapang lang siya sa hirap ng mga magulang niyang magsasaka kung kaya siya napagtapos ng pag-aaral. Kaya hindi siya masisisi kung naging mataas man ang pangarap niya sa buhay.
"Edwin, look, ginusto natin 'to kaya panindigan natin. At isa pa ay graduating na ako, kahihiyan ang aabutin ko pati na sina Mama at Papa sa publiko."
"Give me time Michelle, pag-iisipan ko."
Simula pa lamang sa umpisa na marinig ni Edwin ang sinabi ni Michelle na buntis siya ay parang bubog iyon na tumarak sa puso ng binata. Naging laman ng kanyang isipan ang bagay na iyon habang siya ay nakasakay sa jeepney.
Upang makasiguro'y kinarkula pa niya ang araw nang magsiping sila ni Michelle hanggang sa araw na iyon ng sabihin nito na buntis daw siya. Tama naman sa tuos niya dahil August ng maganap 'yon at araw pa ng birthday niya kaya tandang-tanda niya kung kailan.
"Pusibilidad kayang makabuo ng minsan lang nangyari 'yon?" Nausal niya. "Pero October ngayon, two months ago na buhat ng maganap 'yon." Napailing si Edwin.
Nakatitig naman sa binata ang katabi nitong matandang babae, pinagmamasdan siya dahil sa anyo niyang pailing-iling pa. Puna siya ng Ale dahil mula pa lamang sa Tayuman hanggang sa pagsakay niya sa Espaņa ay kasabay na niya iyon.
Sa loob-loob tuloy ng matandang babae ay ang bigat ng problema ni Edwin.
Napadukdok si Edwin sa braso niya habang nakahawak sa estribo pero laking gulat niya sa biglaang pagtigil ng sasakyan at may narinig siyang nagsigawan. Nasa E. Rodriguez na sila noon at malapit na siyang bumaba. Uusisain sana niya kung ano ang nangyari ngunit pinasibad ng mamang tsuper ang jeep, mabilis.
Nakita ni Edwin ng malagpasan ang babaing nakahiga sa kalsada at walang malay. Tama ang hinala niya may aksidenteng nangyari. Napoot siya sa tsuper, sa halip nga naman na hintuan at tulungan ay tinakasan pa. Naalala niya ang babae.
"Mama, para! Para!"
Parang walang narinig ang tsuper, patuloy sa patakbo ng matulin.
"Para sabi! Ano ba?!" Galit na si Edwin.
Biglang itinigil sandali ng tsuper ang jeep. Pagbaba na pagbaba ni Edwin ay agad na pinasibad muli ang sasakyan. Buti na lamang at hindi pa kalayuan sa biktima ang binabaan ng binata. Tumakbo siya papunta sa nakahiga pang babae. Mabuti na lamang at walang ganong sasakyang nagdadaan.
Paglapit ni Edwin ay marami agad ang nag-uusyoso ngunit wala pang tumutulong sa biktima. Ang hindi pa maganda noon ay nagawa pang nakawin ng kung sinong walang pusong lalaking iyon ang dala-dalahan ng biktima at itinakbo palayo.
"Tabi! Paraan ako!" Nagmamadali si Edwin na nilapitan ang babae at pinangko. "Tumawag kayo ng taxi! Madali!" Inutusan niya ang mga nakapaligid at sumunod naman ang ilan.
Agad na pumarada ang taxing tinawag at dinala nila ang babaing biktima sa Delos Santos Hospital. Hindi alam ni Edwin ang gagawin habang pinagmamasdan ang maganda at maamong mukha ng babae. Wala pa ring malay iyon.
Sa emergency room dinala ang pasyente. Naiwan si Edwin sa labas. Pinapunta agad siya sa imformation center, kinuhanan ng ilang statement tungkol sa babae. Hindi niya alam ang isasagot dahil ni pangalan niyon ay hindi niya alam pati na ang tirahan. Kaya hinulaan na lamang niya ang pangalan at sinabi niyang Kapatid niya at sa apartment din niya nakatira. Nagdeposito siya, buti na lamang at may dala siyang pera.
Makaraan ang apurahang eksena, naupo si Edwin sa silya. "Bakit ba ako nasuong dito? Hindi ko naman siya kaano-ano. Iba talaga ang konsensiya," bulong niya sa sarili.
Naalala niya ang babae. Lumapit siya sa Duktor na lumabas sa emergency room. "Ano po'ng lagay n'ya, Doc?"
"Ligtas na siya. Medyo naapektuhan lang ng kaunti ang braso niya. Ang kailangan niya ngayon ay pahinga."
"Eh, pwede na ho ba siyang makausap?"
"Maaari, pero sandali lamang dahil kailangan niya ng pahinga."
"Samalat, Doc." Sabay pasok ni Edwin sa emergency room.
Hindi rin niya nakausap ang babae ng sandaling iyon dahil inilipat ng kuwarto. Sunod naman siya. Hindi siya pansin ng babae na may benda na sa braso. Nang mailipat na ay nilisan na ng mga manggagamot ang kuwarto, siya na lang ang naiwan.
Nilapitan niya ang babae at nagpakilala na siya.
"Ako nga pala si Edwin. Ako ang nagdala sa iyo dito," nakangiti niyang sabi.
"Ha? Naku, nakakahiya naman po sa inyo. Maraming, maraming salamat po."
"Huwag mo na akong popoin, bata pa naman ako, eh. Siyanga pala, ano'ng pangalan mo?"
"Ah, ako nga po pala si Ra... este ako nga pala si Clara. Clara Samonte," nakangiting tugon ng babae.
"Huwag mong mamasamain ang itatanong ko ha?" Si Edwin, medyo nahihiya pa.
"Ano 'yon?"
"Dalaga ka pa ba?"
Napangisi si Clara at tumitig kay Edwin. "Ano sa tingin mo? Mukha na ba akong me asawa?"
"Ha? Ah eh.... wala."
Unang kita pa lamang ni Edwin sa babae ay magaan na ang damdamin niya dito. At ganoon din naman si Clara, una pa lang niyang tingin sa binata ay parang matagal na niya itong kakilala, magaan din ang damdamin niya para kay Edwin.
Nag-usisa pa si Edwin kung saan nakatira si Clara at tungkol sa iba pa. Sumagot naman ang babae.
"Tubong Bulacan ako. Ngayon lang ako nagawi dito, napasama pa ako. Hinahanap ko kasi ang tinitirahan ng kaibigan ko eh. Ulilang lubos na ako," salaysay ni Clara.
"Ganoon ba?"
"Sobra nga ang malas eh, ninakaw pa ang dala-dalahan ko."
Matagal-tagal din ang naging kuwentuhan ng dalawa pero hindi nagtagal at nagpaalam nang umuwi si Edwin.