ALEXANDRIA:
CHAPTER 8

MULING PAGTIBOK NG PUSO

PAGGISING ko ay gising na rin si Sheena. Binabasa niya ang liham sa akin ni John. Pati ang larawan ay hawak na niya.

      "Hoy magaling na babae, sino ang me sabi sa iyo na basahin mo 'yan ng walang pahintulot?!" usal ko. Pabiro ko lang naman iyon.

      "Nakakainis naman siya, Ate. Bakit ako--- walang sulat?"

      "Bakit? Hindi mo ba nabasa diyan na kinakamusta ka niya pati ang Nanay at Tatay?"

      "Iyon lang?! Nakakainis naman siya. Pero hindi bale, susulatan ko siya." May mapang-asar na sabi ni Sheena. Ano ba't nakaramdam ako ng inis sa kanya. Kumunot ang noo ko.

      "Bakit, Ate--- nagseselos ka ano?"

      "Aba naku, hindi! At bakit naman ako magseselos eh ni hindi pa nga nanliligaw sa akin 'yung tao." Nagkaila ako.

      "Uuhhyyy.... paempot pa siya." Namewang sa harap ko si Sheena at tinaasan ako ng kilay. "If I know, dare me kung hindi totoong may gusto ka sa kanya."

      Kinuha ni Sheena ang liham. "Ayon sa sulat niya ay liligawan ka niya. Babalikan ka daw. Sus! Ang mga lalaki nga naman. Kaytatamis ng kanilang mga bukadura. Lolokohin ka lang niyan, Ate. Manila boy pa!"

      Sa loob-loob ko'y iniinis yata talaga ako ng babaing ito, ah! "Sinisiraan mo lang siya dahil alam kong type mo rin siya," mapang-asar ko ring tugon.

      "Nagkanobyo na ako ng Manila boy, Ate. Kaya nga ako naging malupit sa mga lalaki dahil sa panloloko niya sa akin!" Biglang nanlisik ang mga mata ni Sheena.

      Alam ko namang totoo ang sinabi niyang iyon dahil ipinagtapat niya sa akin noon na matapos makuha ng Manila boy na una niyang naging nobyo ang bagay na hindi pa niya dapat ibinigay ay naglaho na lamang itong parang bula. Nasaktan noon si Sheena at nangakong gaganti sa mga lalaki.

      "Kaya nga naisumpa ko sa sarili kong sila naman ang paglalaruan ko at iiwanan pagkaraan." Sabay halakhak ni Sheena. Ano ba't nakasagot agad ako.

      "Huwag mong isasama si John sa mga kalokohan mo, ha?!"

      "Bakit, dahil mahal mo ba siya? Lalaki din siya, kaya kabilang siya sa listahan ko. At malay natin, baka kapag nakita niya tayong dalawa ngayon ay mas piliin pa niya akong ligawan kesa sa iyo. 'Di hamak, mas maganda yata ako sa iyo."

      Nang-aasar talaga ang babaing ito. Papainit na ang usapin namin. Nakaramdam ako ng insecurity sa sinabi ni Sheena. Nag-iinit na ang ulo ko. Naiinis na ako.

      Ayaw pang lumubay ni Sheena sa pang-aasar sa akin. "Ang guwapo pa naman ngayon ni John, pang-matinee-idol ang dating kaya bagay na bagay kaming dalawa dahil super sexy ako. 'Di tulad ng iba diyan, manang na ay losyang pa. Tse!" Pagkasabi niya ay sinabayan ng talikod at lumabas sa kuwarto namin. Kekendeng-kendeng pa at saka tumawa ng tumawa.

      "Get out!!!" Sa inis ko ay gusto ko na siyang balibagin ng unan. "Nakakasuya talaga siya. Shit!" nausal ko pa.

      Tumayo ako at nagsalamin. Sa sandaling iyon ay totoo ang sinabi ni Sheena na manang na ako ay losyang pa. Nakita ko ang replekto ng sarili ko sa salamin. Mukha nga akong sabukot. Gusot ang buhok, lukot ang damit na ipinantulog, mugto ang mata at ang nakakatuwa--- may natuyo sa pisngi kong T.L. (tulo laway).

      Agad akong nagpunta sa banyo at naligo pagkaraan ay nagbihis. Naglagay pa ako ng pabango at polbo. Ayos na ayos ang buhok ko. Kaya pagbaba ko ng sala ay magaan ang pakiramdam ko.

      Ngunit parang uminit na naman ang dugo ko ng matanawan ko si Sheena na may binubutinting sa sofa. Naalala kong bigla ang regalo ni John sa akin na sinabi ni Nanay. Nakatulugan ko kasi kaya hindi ko nabuksan.

      "Hindi sa iyo 'yan, huwag mong---" ngunit huli na ang lahat nabaklas na ni Sheena ang balot.

      "Ate, Ate ang ganda, oh." Masayang sabi ni Sheena. Parang walang asaran na namagitan sa amin. Ganoon naman talaga ang ugali niya, eh. Maya-maya lang ay cool na naman siya. Lumapit ako at tiningnan ko rin.

      Oil painting iyon na ginawa ni John. At larawan naming tatlo nina John at Sheena ang nakaguhit doon. Katulad nung nasa kuwarto ko, 'yung kuha sa birthday ni John.

      "Suwerte naman ng babaing mapapangasawa ni John."

      Napatingin ako kay Sheena sa sinabi niyang iyon. "Bakit?"

      "Kasi ang gusto ko sa isang lalaki ay pintor."

      "Di maghanap ka ng pintor." Naisagot ko.

      Lalo lang akong naasar sa isinagot niya.

      "Kaya nga kung liligawan ako ni John eh sasagutin ko agad siya at yayayain nang pakasal, Ate."

      Kung ano-ano pa ang sinabi ni Sheena ngunit hindi ko na pinansin. Pinalulusot ko na lang sa kabilang tainga ko ang naririnig ko. Tinalikuran ko siya at lumabas ako ng bahay. Nagpahangin ako doon. Naupo ako sa silya.

      May kabang dulot ang pumasok sa aking isipan. Noong maliliit pa kami ay maiingitin na si Sheela at gusto rin niya si John. Alam kong mabilis siya pagdating sa mga lalaki. Kabisado na niya ang mga kalibre ng mga ito. Paano kung akitin niya si John. A basta! Hindi niya magagawa iyon. Ako ang mahal ni John. Iyon ang itinanim ko sa isip ko para lumakas ang loob ko.

      Dumalas pa ang pagliham ni John sa akin. Hindi nagtagal at may dumadating din kay Sheena buhat din kay John. Nawala ang paninibugho ko ng sabihin sa akin ni John na sinunod lamang niya ang hiling ni Sheena na gantihin naman daw ang sulat ni Sheena sa kanya. Sa makatuwid ay totoo nga palang sinulatan ni Sheena.

      Dalawang taon pa ang lumipas. Hindi pa rin kami nagkikita pa ni John. Puro sa sulat parin kami nagkakausap. Wala daw kasi siyang panahon pa dahil kung bakasyon ay nagtatrabaho siya't nag-iipon ng panggastos sa eskuwela para sa susunod na pasukan.

      Doon pa lang ay hanga na ako kay John. May roon siyang determinasyon sa buhay. Malaki ang tiwala niya sa kanyang sarili. 'Yun nga magaling siya sa applications.



<<<== Previous Chapter  |  Next Chapter ==>>>