ALEXANDRIA:
CHAPTER 6

ANG KANYANG PAGLISAN

ISANG umaga, tumatakbong pumunta sa amin si John. Akala ko ay kung ano na ang nangyari.

      "Bakit?" sabi ko.

      "Aalis na kami," aniya at bigla na lang siyang nalungkot.

      Akala ko naman ay may pupuntahan lang sila o papasyalang lugar. "Agahan n'yo ang balik, ha? Maglalaro pa tayo mamaya, eh."

      Napayuko siya ay saka tumugon sa akin. "Hindi na kami babalik, Andria." at saka siya tumingin sa akin.

      "Anong sabi mo? Saan kayo pupunta? Bakit?" sunod-sunod na ang naging tanong ko sa kanya.

      "Doon na raw kami titira sa Maynila. Nakabili ng bahay doon si Tito Robby na malapit sa pagtatrabahuhan niya. At doon na rin daw ako mag-aaral hanggang sa kolehiyo."

      "Iiwanan mo na ako?" Nakaramdam ako ng pangungulila ng mga sandaling iyon kahit kaharap ko pa si John. Mula ng magkaisip ako ay nagisnan ko na siya at kasabay lumaki. Napamahal na sa amin ang isa't isa. Tapos, heto at magkakahiwalay na kami at posibleng hindi na magkita.

      Lumapit si Nanay sa amin. Sinalubong siya ni John.    Yumakap si John kay Nanay.

      "Tita Maria, magpapaalam na po ako sa inyo. Ang bait-bait mo po sa akin. Hindi ko po kayo makakalimutan." Narinig kong sinabi ni John kay Nanay.

      Lumuluha na pala si Nanay ng mga sandaling iyon. "Magpapakabait ka doon, anak." at niyakap niya si John. "Nakausap ko na ang Tita Linda mo kanina. Tiyak na lilipas ang mahabang panahon bago tayo muling magkita-kita."

      Sinundo na ni Tita Linda si John. Aalis na daw sila. Kumalas na sa pagkakayakap ni Nanay si John at lumapit sa akin at niyakap niya.

      "Andria... huwag mo akong kakalimutan, ha? Huwag mo akong ipagpapalit sa ibang kalaro. Ako lang ang kaibigan mo, ha? Mahal kita Andria."

      Ako man ay napayakap na rin sa munti kong kaibigan. "Oo. Basta ganoon ka din, ipangako mo. Love din kita, eh." Sumang-ayon naman siya sa sinabi ko.

      "Basta paglaki natin ay liligawan kita, Andria...." Pagkasabi ni John ay kumalas na at lumapit sa Tita niya.

      "Ang mga batang ito--- kebabata pa eh kung ano-ano na ang nasaisip," ani Tita Linda.

      "Hayaan mo na kumare, dala lang ng kamusmusan 'yan. Hindi pa naman nila alam ang kanilang mga sinasabi," tugon naman ni Nanay.

      "Sige Kumare, lalakad na kami at matagal pa ang biyahe," paalam ni Tita Linda sa amin. Muli ay nagpaalam kami ni John sa isa't isa. Hinanap niya si Sheena.

      "Sumama kay Tatay, may binili sa bayan." Naisagot ko.

      "Sabihin mo na lang na umalis na ako. Huwag kayong mag-alala, paglaki ko ay babalik ako dito. Dadalawin ko kayo."

      Wala na sina John ng dumating sina Tatay at Sheena. Pagkatapos nilang magbihis ay niyaya na ako ni Sheena na maglaro. Sunduin daw namin si John.

      "Pero wala na sila doon. Walang nang tao sa bahay nila." Sabi ko sa kanya.

      "Bakit? Saan sila nagpunta." Aniya.

      "Doon na daw sila titira sa Maynila. At doon na daw siya mag-aaral. Kaya magmula ngayon ay wala na tayong kalaro."

      "Ay.... wala na siya. Ay...." Nalungkot si Sheena. Malas niya at hindi sila nagkita ni John bago ito umalis. Ilang araw na tumamlay si Sheena. Ako man ay nalungkot din sa pagkawala ng aming kaibigan. Kung nangulila si Sheena ay mas higit ako.

      Lumipas pa ang ilang panahon at nag-aral na rin si Sheena. Nang matapos kami sa elementarya ay lumipat kami ng tirahan sa Angeles City at doon kami nag-aral sa Holy Angel University mula high school hangang kolehiyo.

      Si Tatay naman ay napasok bilang empleyado sa Clark Air Base. Mas malaki ang kita niya doon. Si Nanay naman ay sa bahay lang at siyang nag-aasikaso sa amin.

      Hindi ko pansin ang paglipas ng panahon dahil naging abala ako sa aking pag-aaral. Maraming nagkakagusto at nanliligaw sa akin pero wala akong mapusuan. Sabi nga ni Sheena ay sayang ang ganda ko. Nasa akin nga daw ang katangian ng isang beuty queen pero hindi ko nagagamit. Tamang may hitsura si Sheena pero 'di hamak na mas maganda ako sa kanya.

      Kaya lang, ang tingin niya ay mas daig niya ako pagdating sa sex appeal. Pareho na kaming dalaga, ang kaibahan lang niya sa akin ay may nobyo na siya at hindi ko na mabilang kung pang-ilan na niya iyon. Lumaki kasi siya sa layaw. Ganoon din naman ako pero iba talaga ang ugali ko sa kanya. Wala akong hilig sa barkada. Kapag wala akong pasok sa eskuwela ay sa bahay lang ako at katuwang ni Nanay sa mga trabaho.

      Si Sheena ay iba. Sinamantala niya ang kabaitan ng mga magulang namin at ang pagtitiwala sa amin. Lagi siyang sumasamang mamasyal sa mga kabarkada niya. Outing dito outing doon.

      Hindi naman masasabing naging kunsintidor at pabayang magulang sina Nanay at Tatay. Katunayan nga ay busog kami sa pangaral. Pero iba talaga si Sheena, pag pinagsasabihan ko ay nangangatwiran pa.

      "May sarili na akong pag-iisip, Ate. Alam ko na ang tama at mali." Ito ang lagi niyang ikinakatwiran sa akin. Sa loob-loob ko ay bahala siya kung iyon ang gusto niya.

      Basta ako ay tutuparin ko ang pangako ko sa mga magulang ko na magtatapos muna ako ng pag-aaral at tutulong muna sa pagpapaunlad ng kabuhayan namin bago ko intindihin ang sarili ko.



<<<== Previous Chapter  |  Next Chapter ==>>>