KAHIT
bata pa ako noon ay marunong na rin naman akong makadama ng katulad sa damdamin
ng mga may husto nang pag-iisip. Naaawa ako kay John sa nangyari sa kanya.
Maligaya pa rin ako dahil buo ang pamilya
namin. May natatawag akong Nanay at Tatay kung kailangan ko sila samantalang si
John ay wala na.
Marahil--- kaya din mabait si Nanay kay
John ay naaawa din siya. Kaya buhat noon ay hindi na ako naiinggit kay John
kapag nililibang siya ni Nanay.
Madalas abutan ng tanghalian si John sa
bahay namin. Wala naman si Tatay dahil nagtatrabaho kaya kapag inaya ni Nanay
na kumain si John ay kumakain naman siya.
Akala ko'y walang problemang darating sa
akin na katulad ng kay John. Unti-unti akong nakakaramdam at nakakaranas ng problema
simula ng may pinag-awayan sina Nanay at Tatay. Umiiyak si Nanay noon.
"Walanghiya ka, Poleng. Buong-buo ang
tiwala ko sa iyo! Pero ano ang ginawa mo? Niloko mo ako!" nanggigigil si
Nanay sa galit.
"Patawarin mo ako, Vida.
Pinagsisisihan ko ang lahat ng nagawa kong pagkakamali sa inyo ni Andria. Pero
huwag mong idamay ang bata, wala siyang kasalanan," tugon naman ng Tatay
ko.
Kapag nakikita ko silang nag-aaway ay
umiiyak ako. Titigil lamang sila kapag lalapit ako at aawatin sila.
"Poleng. Hindi ko alam kung ano ang
gagawin ko sa iyo," wika ni Nanay.
"Hindi na natin maibabalik pa ang
nakaraan, Vida. Isa pa ay nananahimik na ang kaluluwa ni Ester. Patawarin mo na
siya. At ang bata, maawa ka sa walang kasalanan," ani Tatay.
"Bakit, naawa ka ba sa kanya ng gawin
mo ang kasalanang 'yan? Naawa ka ba sa pamilya mo?"
"Bigyan mo ako ng pagkakataong
magbago. At saka--- kung 'yung ibang tayo ay natutulungan natin, kaya wala
naman sigurong masama kung aampunin natin ang bata."
Naging palaisipan sa akin ang pinag-usapan
ng mga magulang ko. Bata, Ester, aampunin, anak sa labas, kaluluwa. Palibhasa'y
mura pa ang isipan ko kaya nahirapan akong manghula.
Ipinaliwanag sa akin ni Tatay minsang
kinausap niya ako na hindi alam ni Nanay. Sinabi niyang may aampunin daw sila
at gusto niyang ituring kong kapatid ko na. Babae daw at Sheena ang pangalan.
Anak daw ng Tita Ester ko 'yon sabi pa ni Tatay. "Tita Ester?" ang
alam ko'y wala akong tiyahin na Ester ang pangalan. Hindi ko pa alam noon na
kabit pala ni Tatay ang babaing 'yon.
Walang kibo si Nanay ng isama ni Tatay si
Sheena sa bahay.
"Andria, ang bago mong kapatid, si
Sheena." Pakilala ng Tatay ko. "At Sheena, ang Ate Andria mo. Mula
ngayon ay dito ka na titira. Siya naman ang Nanay Vida mo."
Pinilit ngitian ni Nanay si Sheena.
Nagdaramdam ang puso ni Nanay. Nang hindi niya makayanan ay tumakbo siya sa
kusina at doon umiyak dahil may pilat pa rin ang sugat na nilikha ni Tatay sa
kanyang puso.
"Hi Sheena," ako ang unang
bumati.
"Hello...."
Sinamahan namin siya ni Tatay sa kanyang
silid. Sa una pa lang ay magaan na ang damdamin ko sa kanya kaya alam kong
magkakasundo kaming dalawa. Naglaro agad kami.
Sa una ay hindi matanggap ni Nanay na
ampunin ang anak ni Tatay sa labas. Pero napapansin ko na habang lumalaon ay
nagkakaroon ng amor si Nanay kay Sheena. Mabait naman din kasi si Sheena. At
saka na-realize din siguro ni Nanay na talagang walang kasalanan si Sheena sa
mga pangyayari.
Natutuwa naman si Tatay sa mga nangyayari.
Hanggang sa tuluyan na ngang maging miyembro ng pamilya si Sheena.