ALEXANDRIA:
CHAPTER 3

PAGDADALAMHATI

NAG-IISA lang anak si John ng mga magulang niya. Maliit pa kasi siya ng magkahiwalay ang mga ito sa hindi magandang dahilan. Sa Nanay niya siya nakapirmi. Pero dahil sa abala si Tita Maria, (iyon na ang nakasanayan kong tawag sa ermat ni John) doon naglalalagi si John kina Tita Linda.

      Si Tita Linda ay kapatid ng Nanay ni John, asawa ni Tito Robby.

      Alam ko, naging masaya at makulay ang pagiging malapit ni John sa pamilya namin. Para na nga kaming magkapatid.

      Minsan, may problemang dumating sa buhay ni John. Nang mga panahong iyon ay magulo pa para sa musmos na katulad ko para unawain ang kahulugan ng problema.

      Kapitbahay lang namin sina Tita Linda, nandoon ang Lolo at Lola ni John, harap-harap sila nina Tito Bert at may mahalagang pinag-uusapan. Nandoon ako at kalaro ko si John malapit lang sa kinaroroonan nila.

      Naantala ang paglalaro namin ni John ng tawagin siya ng kanyang Lolo. "Hijo, halika sandali at may sasabihin ang ako."

      "Andiyan na po," sabay tingin sa akin ni John. "Diyan ka muna, ha? Sandali lang ako." Lumapit na siya sa Lolo niya.

      Hindi kalayuan, ilang saglit pa at nakita kong niyakap ni Lola Soleng si John at umiiyak ang matanda. Pati si Tita Linda ay umiiyak din. Nabahala ako noon, naisip kong baka kung may anong masamang nangyari.

      "Bakit sila umiiyak?" naitanong ko sa sarili ko subalit hindi ko nasagot ang tanong ng musmos kong pag-iisip dahil hindi ko pa gaanong maunawaan ang mga pangyayari. Basta ang natatandaan ko lang noon, ng lumapit ako sa kanila, narinig ko ang sinabi ni Tita Linda.

      "Simula ngayon ay dito ka na titira sa amin. Kami na ang magpapalaki sa iyo. Pag-aaralin ka namin." nakangiti ngunit lumuluha si Tita Linda at niyakap si John pagkatapos yakapin ni Lola Soleng.

      "Ngayong may-asawa nang iba ang Nanay mo ay kami na ang bahala sa iyo at ang Tita Linda at Tito Robby mo na ang ituturing mong Nanay at Tatay mula ngayon," narinig kong sinabi ni Lolo Ando kay John.

      "Nasaan na po ang Nanay ko ngayon?" inosenteng tanong ni John sa Lahat ng mga nakaharap sa kanya. Sa pandinig ko ay garalgal na ang mga tinig ni John noon.

      "Wala na siya, hijo. Sumama siya sa napangasawa niyang amerikano. Nandoon sila ngayon sa Maynila." Ang Lola naman ni John ang tumugon.

      Nakita ko, tuluyan nang umiyak si John. "Ang Nanay ko--. Nanay!!!" sigaw niya.

      Naawa ako ng mga sandaling iyon kay John. Patuloy siya sa pagluha habang inaamo ng mga kaharap na matatanda.

      Naisip kong baka hinihintay na ako ni Nanay, baka nandoon na rin si Tatay kaya nagpaalam na akong uuwi.

      Naputol sandali ang pag-uusap ng mag-anak. Lumapit sa akin si Lola Soleng. Akala ko ay papagalitan niya ako dahil sa totoo lang ay mukha siyang matapang. Pero mali pala ako ng hinala.

      Nagpahid ng luha si Lola Soleng at ngumiti, "Andria, hija...," aniya.

      "Po. Bakit po," naitugon ko. 

      "...Mula ngayon ay dito na titira si John kina Tita Linda n'yo."

      Tumango lamang ako at tinanaw ko si John na humihikbi pa.

      "....Huwag kayong mag-aaway, ha? Magturingan kayong magkapatid. Magmahalan kayo," sabi pa ni Lola Soleng.

      "Opo. Mahal ko naman po siya, eh."

      Pagkatapos ay nagpaalam na akong uuwi.



<<<== Previous Chapter  |  Next Chapter ==>>>