ALEXANDRIA:
CHAPTER 2

SIMULA NG MGA ALAALA

KAYSARAP damhin kapag ginugunita ko ang mga nakalipas na panahong nagdaan sa buhay namin ni John.

      Parang kailan lang--- naghaharangang taga kami, parang kailan lang ay namamasyal kaming dalawa sa parang ng Lolo ko't pinanonood namin ang mga baka habang pinapastulan ng nag-aalaga tuwing umaga. Kasunod niyon ay nanunungkit kami ng bayabas at tuwang-tuwa kami kapag pupulutin namin sa mahamog na damuhan. Subalit iyon ay noon pang panahon ng aming kamusmusan may dalawang dekada na ang nakalilipas.

      Pero para sa akin, bawat sandali--- at lahat ng mga araw na nagdaan sa buhay ko na nakapiling ko si John ay tulad ng isang baul na kayamanan na pakakatagu-tago ko at pakakaingatan sa kaibuturan ng aking puso dahil sa labis ko siyang mahal.

      Halos ilang araw lamang ang pagitan ng kapanganakan namin ni John. Sabay kaming namulat at nagkaisip sa bayan ng Zambales. Sabay kaming lumaki doon. Ilang dipa lamang ang layo ng bahay nila sa bahay namin kaya ano mang oras naming naisin na maglaro ay nagagawa namin. Minsan nga isang umaga ay naisipan kong makipaglaro sa kanya. Katatapos lamang naming mag-agahan noon, agad ay pinuntahan ko si John sa kanila. Naabutan ko silang kumakain.

      "May kailangan ka ba hija?" usisa ng Nanay niya sa akin.

      Sa hiya ay parang umuurong ang dila ko. Nanatili akong nakatitig kay Tita Maria, hindi ko masabi ang sasabihin ko. Pinaglalaro ko ang mga daliri ko sa aking likuran at namimilipit ako noon sa hiya.

      Ilang subo pa at dali-daling bumaba sa hapagkainan si John. Tumatakbo palapit sa akin at hinila ako sa braso. "Tara na," aniya.

      "Hop, hop! Hindi ka pa tapos kumain," ani Tita Maria.

      "Tapos na po ako, 'Nay," tugon ni John.

      Tuluyan na akong nahatak ni John at tumakbo na rin ako palabas. Nilingon ko si Tita Maria at nakita kong nakapamewang at bumuntong hininga pero napangiti at napakamot sa ulo, umiiling-iling pa. Sa bahay namin kami tumuloy. Dahan-dahan kami pagpasok dahil baka nandoon si Tatay ay tiyak--- magagalit na naman sa akin 'yon. Sasabihin na namang huwag kaming mag-iingay.

      Buti na lamang at nakaalis na si Tatay. Lumuwas na pala. Narinig ko kasing malayo ang biyahe. Natuwa kami ni John at si Nanay na lamang ang nandoon. Okay lang kasi sa kanya kahit halughugin naming dalawa ang buong kabahayan. May pamiryenda pa nga kung alas-diyes na, eh. Katwiran kasi ni Nanay na mas maige daw na doon kami naglalalro para daw masaya. Isa pa ay alam kong kinalulugudan niya si John dahil sabik siya sa anak na lalaki.

      Padalas ng padalas si John sa amin noon. Kahit nga gabi na ay nandoon pa rin siya kung minsan at nakikipanood ng telebisyon.

      Nakakatuwa naman kasi ang hitsura ni John noong bata pa kami, cute siya, malinis, bungisngis at madaling makagaanan ng loob kaya nalilibang sa kanya si Nanay kapag nandoon siya sa amin.

      Lagi pa ngang ipinapakita ni Nanay ang litrato naming dalawa ni John. "Tingnan mo, oh---, ikinasal na kayo ni Andria," sinasabi ni Nanay kay John sabay pipisilin sa pisngi ang nakatutuwang si John. Larawan namin 'yon ng umabay kami sa kasal.

      Kung minsan nga ay parang naiinggit ako kay John dahil sa pagiging malapit ni Nanay sa kanya. Pero si Tatay, iba siya, 'yung tipo bang wala siyang amor kay John. Siguro, dahil sa ang gusto niyang maging anak ay babae lang talaga, ang bait-bait nga niya sa akin, eh.



<<<== Previous Chapter  |  Next Chapter ==>>>