MAY 11,1994: Sa Antipolo, Rizal.
Parang kahapon lamang
ang mga nakalipas na taon. Ganito rin ang petsa ng magsimba kami ng lalaking
pinakaiibig ko sa Antipolo.
Matapos kaming dumalaw
ni John Maverick sa kaibigan niyang nakatira sa Vermont Park Subdivision sa
Marcos Hi-way ay nagtuloy kami sa Antipolo Church.
Kaibigan lamang ang
turingan namin ni John sa isa't isa, 'yun ang alam namin. Pero deep inside sa
puso ko ay mahal ko siya at nadarama kong mahal din niya ako. May mga
pagkakataon kasing nagpapahiwatig siya ng panliligaw sa akin at sinasabi niyang
mahal niya ako.
May usapan kaming
dalawa, at may pangako siya sa akin na sa sandaling marating na niya ang
kanyang pangarap na maging isang bantog na pintor at makaipon ng sapat ay
liligawan niya ako at paiibigin pagkaraan ay hihingin niya ang mga kamay ko sa
aking mga magulang upang ako ay tuluyan na niyang maangkin.
Alam ko kung hanggang
saan ang pagmamahal ni John sa akin at minsan ko pang napatunayan sa loob ng
simbahan. Nakaluhod ako at taimtim na nananalangin ng marahan niyang ginagap
ang isa kong kamay. Pinisil niya iyon at napalingon ako sa kanya, waring
nagtatanong kung bakit. At sa mga sandaling iyon, dama ko na may bumabagabag sa
kanyang damdamin.
"Ano 'yon, John?"
marahan kong sabi.
"Andria, ipangako
mo sa akin Andria na hihintayin mo ako. Na hindi ka iibig sa iba..... Mahal na
mahal kita, Andria.....," aniya at hinalikan pa niya ang aking kamay.
kaysarap sa aking
pandinig. Dama ko ang malamyos niyang tinig na humaplos sa aking puso ng mga
sandaling iyon. Sa aking galak ay napatango na lamang ako dahil nang magtama
ang aming mga mata ay parang nawalan ako ng ulirat.
Maligayang-maligaya ako
noon. Tahimik man ako't nagpatuloy sa pananalangin ay nagdiriwang naman ang
puso ko sa galak. Abot ang pasasalamat ko sa Panginoon dahil alam kong may
dalawang puso na kanyang ipinagpapala at alam ko rin na kami ni John ang mga
iyon.
"Oo, John. Mahal
din kita."
Alam kong walang ibang
nakakarinig ng sumpaan namin ni John kundi ang Diyos lang. Siya ang tanging
saksi.
Noon iyon. Ngunit
ngayon, ngayong taon na ito ay nag-iisa na lamang akong nagsimba sa Antipolo.
Malungkot at higit sa lahat ay masakit para sa akin ang mga pangyayari. Na
maglahong parang bula ang lahat ng mga pangarap naming dalawa ni John.
Gusto kong sisihin ang
Diyos sa nangyari ngunit sino ako para tumutol sa mga kagustuhan niya sapagkat
ako'y isa lamang niyang alagad na nandoon sa araw na iyon at nakaluhod sa harap
Niya, pilit na humihingi ng tulong na bigyan ako ng sapat na pang-unawa at
katatagan ng loob.
Hindi ko lubos na
maisip kung ano ang naging pagkukulang ko kay John. Sa simula pa lamang ay
palagi ko na siyang inuunawa. Alam niya 'yon! Dahil mahal ko siya!
Sa kabila ng
lahat...... ngayon ay nag-iisa na lamang ako at nangangarap. Nangangarap sa mga
nakalipas na sandali na alam kong siyang magbibigay ng kaligayahan sa puso kong
sugatan kahit na panandalian lamang.