CHAPTER 3

ANG MGA ALA-ALA

SAKTONG alas-cuatro na ng dumating sina Jel at Jingle sa Megamall. "Here we are!" ani Jel.

Hinawakan ni Jel sa kamay si Jingle upang akayin para hindi naman mailang sa mga pasikut-sikot sa lugar doon dahil nga unang punta palang ng dalaga doon.

Sa basement sila unang naglibot. Ipinakita ni Jel kay Jingle ang Icekating rink doon, ang amusement center na lagi niyang tinatambayan, gift shop, at iba pang lokasyon ng mga lugar doon na nakaiingganyong puntahan.

Pinakikiramdaman ni Jel kung nag-eenjoy si Jingle na kasama siya ng sandaling iyon. Sa tingin naman niya ay nalilibang ang dalaga, at komportable sa kanya. Nang lumaon ay inakbayan na niya si Jingle.

May isang oras na silang naglilibot doon, alas-cinco na noon. Nagkaayaang mag-skating ang dalawa sa icekating rink doon. Nagkakantiyawan kasi kaya nagkasubuan. Masusubukan ngayon ni Jingle kung totoong marunong si Jel niyon.

Alalay ni jel si Jingle sa magkabilang kamay habang patuloy sila sa paglalayag, mabagal nang una, lumalaon ay bumibilis na.

"Ay! Marahan lang at baka tayo sumemplang," may pangambang sabi ni Jingle.

Nang natatantiya na ni Jel na kaya na ni Jingle na manimbang ay binitawan niya ito at pinagmasdan na lang habang nasa likuran siya niyon.

Nagulat si Jingle ng lingunin si Jel at nakitang malayo sa kanya at pinagmamasdan lang siya ng nakangiti pa. Sa pagkabigla niya ay nawalan siya ng panimbang kaya mabilis siyang nilapitan ni Jel. napasubsob siya sa binata at sa braso naman niya napahawak ito. At dahil nasira na ga ang panimbang niya ay nabuwal siya padagan kay Jel.

Nag-alala ang binata na baka mapasama ng bagsak ang dalaga kaya niyakap niya ito bago pa man sila tuluyang bumagsak sa lapag na iyelo. Si Jel ang nasa ilalim at si Jingle ang nakadagan, 'yung dagan na talagang magkadikit ang katawan nila. 'Yung mula sa dibdib hanggang sa ibabang parte ng katawan nila.

Pakiramdam ni Jel ay may kuryenteng gumapang sa katawan niya sa pagkakadampi ng katawan ni Jingle doon. Ganoon din ang dalaga, lumakas ang kabog ng dibdib niya. Nakaramdam siya ng kakaiba, mahirap ipaliwanag.

Saglit silang natigilan, walang gumagalaw, walang imikan. Hanggang sa mga sandaaling iyon ay patuloy pa ring nakasakyod ang mga braso ni Jel sa katawan ng dalaga, yakap pa rin niya.

Nagkatinginan silang dalawa tapos ay sa mga taong nakapaligid naman sa kanila.

Alam ng dalaga kung ano ang maaaring kahinatnan ng tagpong iyon kaya siya na mismo ang gumawa ng paraan upang mapigilan hanggang maaari. Ganoon kasi ang nangyari dati, nag-umpisa sa pagiging magkaibigan hanggang sa hindi nakayanan ng damdamin nila. Umibig sila sa isa't isa. At dahil mga bata pa sila noon ay naghintay muna sila ng tamang panahon.

Sa loob ng mahabang panahon ng kanilang ipinagkalayo ay muli silang nagkalapit nang makapagtapos na silang pareho ng pag-aaral. Si Jingle ay napasok sa ospital, sa Medical Center Manila at si Jel naman ay sa isang malaking kumpanya na kilala sa buong Kamaynilaan.

Madalas ay nagsasabay silang dalawa noon sa pagluwas. Ihinahatid pa ni Jel ang dalaga sa boarding house niyon sa Caloocan. At dahil nandoon pa rin ang pagtitiwala ni Jingle sa binata ay nagagawa pa rin niyang sumama doon na kumain sa mga restaurant at manood ng sine kung minsan. Hanggang sa manumbalik muli sila sa dati nilang sweetness. At dahil doon ay nabuhay muli ang naidlip na pagmamahal ni Jel kay Jingle. Ganoon din naman ang dalaga, pakiwari niya ay unti-unti na ring nahuhulog ang loob niya sa binata gaya ng dati. Ngunit huli na ng magising ang mga puso nila. Labis na nasaktan si Jel ng magtapat si Jingle sa kanya na nagkaroon na ito ng nobyo ng mga panahong iyon. At walang nagawa si Jel kung hindi ang tanggapin iyon. Ganoon pa man ay hindi niya ipinakita sa dalaga ang kanyang pagdadalamhati. Nakangiti pa rin siya ng may sabihin sa dalaga. Makaraan ang pangyayaring mabigo sa pag-ibig si Jel ay nangulila siya. Doon naman niya nakilala si Dea. Naging magkaibigan din sila hanggang sa mahulog ang loob nila sa isa't isa at naging magkasintahan nga sila. Sa kasalukuyan ay magdadalawang taon na ang relasyon nila.

Hindi man naging magkasintahan sina Jel at Jingle ay patuloy pa rin naman silang nagtutulungan at nagbibigayan sa lahat ng oras.

Totoong tinupad ni Jel ang sinabi niya noon sa dalaga na magiging kaibigan siya niyon magpakailan pa man. Kaya nga hayun siya at kasama ni Jingle na namamasyal sa SM megamall. Upang samahang maglibang ang dalaga at tulungang makalimot sa mga problema niyon.

Muling ibinalik ni Jingle ang tingin kay Jel at nanisi, "Ikaw kasi......!" aniya.

Tinukuran ng dalawang kamay ng dalaga ang dibdib ni Jel at umangat ang katawan niyon ng kaunti.

Kumawala naman ang mga braso ng binata sa pagkakayapos niyon doon at napalatag sa sahig na iyelo.

Mas dama ni Jel ang init ng katawan ni Jingle kaysa lamig ng kinahihigaan niyang iyelo. Hinawakan niya sa kamay iyon at itinayo niya.

Upang makasiguro si Jingle na hindi na siya bibitawan ni Jel ay siya na mismo ang kumapit sa braso ng binata. Nagpakasawa silang dalawa habang hinihintay nila ang takdang oras sa pagtigil nila pagkaraan ay lumabas na sila doon at nagpunta naman siya sa ibang lugar sa palibot sa loob ng gusali.

Naglalakad na ang dalawa sa tapat ng food center ng makaramdam ng pagkagutom si Jel. Sa Shakey's sila kumain. Sa table for two sila naupo. Isang lady's drink at isang beer sa baso, at isang buong pizza ang inorder ni Jel. 'Yung para sa apat na katao.

"Mariyosep ka naman. Kaya ba nating ubusin 'yan?" ani Jingle.

"Sisiw.....!"

Inabot din sila ng mga isang oras mahigit sa pizza bar na iyon kaukuwentuhan tungkol sa buhay nilang dalawa.

Naungkat nila ang buhay nila noong musmos pa sila. Sa punto ni Jel ay mas pinapaboran niya ang relasyon nila ni Jingle noong mga bata pa sila. Noon ay siya lang at si Jingle ang laging magkalaro, magkaibigan, at nagmamahalan. At napakadaming nabago sa lahat ng bagay sa buhay nilang dalawa. Ang hindi lamang nabago ay ang sinumpaan niyang iibigin magpakailanman si Jingle. Ngunit paano si Dea na nagmamahal din sa kanya katulad ni Jingle na mayroon ding Rommel na nagmamahal sa kanya?

May natitira pang dalawang pirasong pizza sa kinalalagyang pinggan. Naubusan na ng kuwento si Jingle ngunit si Jel ay patuloy pa rin.

"Oh, baka magtampo pa sa atin ang dalawang pirasong ito, pagtig-isahan na natin," ani Jingle.

"Hoy, maiba ako ng usapan, Napapansin kong mag-iisang buwan na akong walang balita sa magaling mong nobyo ah?"

"Forget it Jel, h'wag na iyon, iba na lang ang pag-usapan natin."

"Hindi pa kayo nagkakabati ano?"

Napailing Jingle. Sa sitwasyong iyon ay hindi alam ng binata kung matutuwa siya o mahahabag sa dalaga.

"Wala na kami," malungkot na sabi ni Jingle. "Nakipagkalas na ako sa kanya. Hindi ko na kayang magtiis. Tinapos ko na ang relasyon namin. At ayoko na siyang makausap pa!" dagdag pa nito. Hindi napigilan ni Jingle ang lumuha. Iniabot naman ng binata ang panyo. Pagkaraan ay dahan-dahan nitong pinagapang ang mga kamay sa ibabaw ng mesa papalapit sa mga kamay ni Jingle. Hinawakan iyon pareho. Pinisil. Nagpaubaya naman ang babae sa ginagawa niya.

"Don't worry Jeng, nawala man siya ay nandito naman ako" na nagmamahal pa rin sa iyo. Bulag ka lang dangkasi eh....

Pagkahiya sa sarili ang nadama ni Jingle matapos sabihin ni Jel iyon. Sa kabila ng pagtangging ginawa niya sa dalawang beses na pag-aalok sa ng pag-ibig nito ay nandoon pa rin at patuloy na nagmamahal sa kanya.

Pumisil-pisil pa ang mga kamay ng binata sa mga kamay ni Jingle. Sa bawat pisil ay may animo kuryenteng gumagapang sa buong katawan niya. Napakagat labi siya at pumikit ng yumuko. Ngayon niya naiisip na sana ay kay Jel na lamang niya ipinagkatiwala ang puso niya noon. Sapagkat unti- unti na siyang nagigising sa katotohanang may pagtingin din pala siya sa binata. Pakiramdam niya'y umiibig na nga siya dito.

Ngunit napag-isip-isip niyang umibig man siya ngayon kay Jel ay balewala na rin dahil alam niyang mahal na mahal ni Dea ang binata at hindi na nga naman niyon pakakawalan ito. Pinagsisisihan niya ngayon kung bakit pinalagpas pa niya ang pagkakataon noon para mag-ibigan sila ni Jel.

<<<== Previous Chapter  | Next Chapter ==>>>