Night Shift Nurse si Jingle ngayong unang linggo ng Abril Namumungay ang mga matang dumiretso sa loob ng kuwarto ang dalaga at nagpatibuwal padapa sa kama.
Hay buhay, parang life...... "Ha?!" biglang sambit niya sabay lingon sa pintuan. Si Tess pala, nakita niya. Kadadating lang galing sa palengke.
"Mukhang ang lalim ng iniisip mo ah?" bungad na sabi sa kanya. "Sige't magpahinga ka muna habang niluluto ko ireng gulay," dagdag pa.
Nasa kasarapan ng kain si Tess ng mapansin na parang walang gana sa pagkain si Jingle habang nanananghalian na sila.
"Ate Tess, bakit kaya ganoon si Jel?.....Isang buwan nang hindi nagpapakita o 'di kaya'y tumatawag man lamang," ani Jingle.
"Naiinip ka?"
"Hindi, naaalala ko lang," payukong sabi niya kay Tess.
Sa dako naman nina Jel ay kasalukuyan siyang nakaupo sa silyon sa ilalim ng puno ng Kabalyero, malapit sa bahay ng Lolo at Lola niya sa Tabang, Guiguinto, Bulacan.
Nami-miss ko na rin ang gaga.....kamusta na kaya siya? Pero mas mainam na ang ganitong nag-iisa, makakapagpahinga hindi lang ang katawan ko kun'di pati na rin puso't isipan ko. Nasa kalagitnaan na silang magnununo ng tanghalian ng mapansin si Jel ng kanyang Lolo niya na matamlay sa pagsubo ng pagkain.
"May dinaramdam ka ba?"
"Wala po. Naaalala ko lang si Jeng."
"O, aba eh 'di puntahan....., ang batang ire oo," siwang ng Lola niya.
"Darating din po tayo d'yan Lolo,Lola, pero hindi pa po sa ngayon. Magkaibigan pa lang naman kaming dalawa eh."
"Susmaryosep! Bilis-bilisan mo naman...," mungkahi ng Lolo niya. "Oo nga naman Apo, kami eh maedad na ng Lolo mo, kailangang bago kami pumanaw eh masilayan man lang namin ang aming magiging Apo."
"Ang Lola naman."
"Sa totoo lang hijo, sa lahat...... Si Jingle lang ang napipisil namin para sa iyo." anang Lolo niya.
Busog na sa pagkain si Jel ay busog pa rin sa mga sinasabi ng mga Nuno ang kanyang puso, matabang-mataba.
"Oo nga, basta't siya ang ihinarap mo sa Dambana ay sagot ko ang handa!" pagmamalaki ng Lola niya.
Ang mga katandaan nga naman, kapag gumilas, napakagigilas....
"Hulong! Punatahan mo s'ya sa lalong madaling panahon!" pagbubuyo ng Lolo sa kanya. Napangiti lamang siya at napakamot sa batok ngunit may namuong lakas ng loob sa sarili sa pag-uudyok ng mga Nuno.
ISANG BUWAN ANG LUMIPAS, araw ng Lunes: (Mayo)
Talagang naninikis yata ang kumag na iyon ah! O baka naman sadyang kinalimutan na niya ako? pagmumuni-muni ni Jingle habang nakapangalumbaba sa mesa. Si Gary! naalala niya. Agad niyang hinarap ang telepono. "Hello....,Gary? ....si Jeng 'to, si Jel? ....wala? ....no thank's, just asking."
Nakadama siya ng pagkainip ng hindi niya nahagilap si Jel. Hinahanap-hanap ang malamyos na tinig ng binata, ang kakulitan nito at kalambingan.
Bakit palagi na lamang siyang nababalisa sa tuwing papasok sa isipan niya ang binata? Gayung pagkasama niya ito ay kadalasang naiinis naman siya. Kapag hindi nakikitang madalas ay naiinip naman. Ah, siguro nga'y tuluyan nang nahulog ang damdamin niya dito. Umiibig na siya kay Jel.
Hindi pa gaanong katagalan buhat ng ibaba na niya ang telepono ay tumunog ang doorbell. Wala namang tao ng buksan niya ang pintuan pero may nakita siyang sobre sa pigeon hole.
Istorbo! Sulat lang pala eh! Ngunit pag-abot niya ay kumaba ang kanyang dibdib. Si Jel! bulong pa niya sa sarili.
Dali-dali niyang binuksan ang sobre habang pabalik sa kusina. Nang una'y walang imik sa nilalaman ng liham ngunit kalaunan ay napangiti na rin. Lubhang kasiya-siya ang idinulot ng pagdating ng liham sa kanya.
Ayon sa liham:
Dearest One,
Let me start by saying hello. I hope you are in the best of everything. I just want to say thank you very,very much. Kung hindi dahil sa pag-aaruga mo ay hindi agad bubuti ang pakiramdam ko.
I just also want to say sorry sa mga sama ng loob na naidulot ko sa iyo. And please pardon kung na-misinterpret mo ang pagtanggi ko sa pagmamagandang loob mo sa akin. Gusto ko lang kasing mapaghilom ang sugat sa puso ko noon na dulot ng pagkawala ni Dea.
Ayokong gumaling iyon sa pamamagitan mo., gusto ko ay sa pamamagitan ko. Ayoko kasing isipin mo na ginagamit lamang kita sa mga oras ng kasawian ko. Ayokong mawala ka sa akin Jeng, DAHIL MAHAL KITA!!!
Sa loob ng may dalawang buwan ng aking pag-iisa ay napahilom ko rin ang kumirot na sugat ng puso ko, Natuwa ako. Ngunit ng sumagi sa isipan ko ang babaing unang minahal ko ay muling nanariwa ang sugat na ito. Kaya muli akong babalik sa iyo at ipagagamot ko ito.
P.S.
I love you very much!!!
I wish I could see you & talk to you soon!!!
Much Love,
Jel
Ilang beses paulit-ulit na binasa ni Jingle ang nilalaman ng liham buhat ng matanggap niya. Alam niyang siya ang tinutukoy ni Jel na unang babaing minahal nito. Ngunit may mga temang nalalaliman siya at hindi niya gaanong maarok ang ipinapahiwatig kaya nagpatulong na siya sa katandaang unawain iyon. Lumapit siya sa may-ari ng bahay na tinutuliyan nila, si Aling Norma.
"Gusto niyang bumalik sa iyo ngunit nag-aalangan siyang baka isipin mong ginagamit ka lamang niya."
Waring may tumimo na kung anong bagay sa dibdib ni Jingle matapos marinig ang pahayag ng kausap.
"Ganoon po ba?"
"Oo. At ang gusto niya'y tumahimik muna ang sitwasyon. Kapag naayos nang lahat ang kinikimkim niyang mga problema ay babalikan ka na niya ayon dito sa liham." Nagpatuloy pa ang babae. "Noon pa mang kasalukuyang pumaparito pa siya ay alam ko nang may itinatanging pag-ibig sa iyo 'yon, banaag ko sa mga ikinikilos niya. Mabait siya. Boto ako sa kanya kaysa dati mong nobyo na ubod ng yabang. Matagal ka na ring namamalagi dito kaya parang hindi na rin iba ang turing ko sa iyo hija. Kung talagang mahal mo siya ay huwag mong pigilan ang iyong damdamin."
"Sa ngayon po dangkasi ay naguguluhan pa ako. Hindi ko alam kung mahal pa rin niya ako gaya ng dati o baka bilang isang kaibigan na lamang ang turing niya sa akin ngayon. Ako po'ng may pagkakamali, sa tuwing maghahayag siya ng pag-ibig noon sa akin ay lagi ko kasing isinasagot sa kanya ay ganito: Hindi ba't magkaibigan lang naman tayo?
"Hindi problema iyon, sa susunod na maghayag muli siya sa iyo ay tanggapin mo na. Ipakita mo sa kanyang may pagtingin ka rin sa kanya."
"Salamat po tita Norma at pinalakas n'yo pa ang loob ko."
Hindi nakalipas ang maghapon ay ginanti niya agad ang liham. Sa loob lamang ng ikatlong araw ay natanggap agad ng binata at binasa.
Nakalagay sa Liham:
Dear Jel,
Kamusta ka na? Sana'y nasa mabuti kang kalagayan.
Salamat sa pagliham mo sa akin. At least ay nalaman ko ang kalagayan mo ngayon at kung nasaan ka.
Take care of your self always.
Kamusta na nga pala ang pilay mo? Wala na bang ibang sumasakit sa iyo?
P.S.
I miss you!!! Love Lots,
Jeng
Jingle kailangan kita.... I love you very much! bulong niya sa sarili matapos basahin ang sulat. Nangungulila siya kay Jingle, hinahanap-hanap.
Bigla siyang nagulat ng may tumapik-tapik sa kanyang balikat, nang lingunin ay Lolo pala niya.
"H'wag mong pahirapan ang iyong sarili, sundin mo ang itinitibok ng iyong puso. Iyong alalahanin na ang pagkakataon ay minsan lamang magdaan sa buhay ng isang tao kaya huwag mo nang palagpasin pa ang pagkakataon hanggang maaga," wika ng Lolo.
Inapuhap ni Jel ang kamay ng Lolo at hinawakan, tinapik-tapik din.
"Lolo....."
Nakangiti namang tumango sa kanya ito.
"Halika hijo, may ipapakita ako sa iyo dine." anang matanda. Sunod naman agad si Jel.
Nagpunta ang maglolo sa likod ng bahay, sa garahe. Pumasok sila doon.
"Alam mo eh mahal na mahal ka namin ng Lola mo, kaya kung anong kailangan mo ay magsabi ka lang sa amin at aming kakayaning maibigay sa iyo. Dahil kung ano'ng ikaliligaya mo ay ikaliligaya rin namin," pagpapatuloy pa ng Lolo sabay hila sa lona na tumatakip sa kung anong bagay.
Walang-wala sa loob ni Jel ang ginawang pagsopresa sa kanya ng Lolo niya. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita. Isang napakagarang Motorsiklo.
"Lolo....?"
Bago tumugon ang matanda ay inilabas muna ang susi ng sasakyan at iniabot sa kanya.
"Oo, para sa iyo 'yan. Dapat ay sa kaarawan mo pa namin ibibigay sa iyo pero, mas kakailanganin mo na ngayon eh. Kaya heto na ang susi at puntahan mo si Jingle sa lalong madaling panahon, lumuwas ka."
Sa tuwa ni Jel ay niyakap ang kanyang Lolo.
"Salamat po 'lo....."
Masayang nakatulog si Jel sa magdamag ng araw na iyon. Alam niyang may naghihintay sa kanyang magandang pagkakataon. Kaya kinabukasan ay lumuwas na siya at nagpunta muna kay Gary.
Nagpalitan silang magkaibiganng kuwento tungkol sa pagbabakasyon niya at pagtatrabaho ni Gary.
Nakibalita pa ang binata sa naging kapalit sa opisinang pinasukan bago siya umalis doon. Si Gary man din ay nakibalita rin sa totoong naganap kina Jel at Dea. Hanggang sa mauwi na ang usisaan kay Jingle.
"Tumawag siya sa akin nitong nakararaang araw. Nagtatanong tungkol sa iyo. Sa tingin ko 'tol ay umiibig na siya sa iyo," ani Gary.
" Siyanga?"
"But to see is to believe. Kaya puntahan mo na at ng malaman mo ang sagot d'yan sa tanong mo." tugon ni Gary.
Saglit lang ay nasa Caloocan na si Jel, sa tinutuluyang bahay ni Jingle dahil matulin ang ginawang pagpapatakbo sa Motorsiklo.
Nakabukas ang tarangkahan kaya pumasok na siya sa at ipinarada muna niya ng maayos ang sasakyan at saka siya tumawag ng pansin sa sinumang nagdoon sa loob ng bahay.
Agad namang may nagbukas sa pinto, si Aling Norma, nakabihis at nakangiti pa.
"Hindi ba't ikaw si Jel? And'yan sa loob si Jingle, pasok ka na."
"Salamat ho."
"Bakit ngayon ka lang nagala? Naiinip tuloy siya. Dumiretso ka na't magsisimba pa ako eh, sige," ani Aling Norma.
Nakiramdam muna si Jel sa paligid ng buong bahay nang makapasok na siya at nasa salas na. Nilingap ang buong paligid. Nang walang tao ay napilitang tumawag. Wala pa ring sumagot kaya tatlong beses pa niyang tinawag ang dalaga. Habang naghihintay siya ng pagtugon ay napagtuunan niya ang dekorasyon sa ding-ding.
Galing ng kusina si Jingle ng pumaroon sa salas. Natigilan siya ng makita si Jel nakatalikod sa kanya at tinitingnan ang dekorasyon.
"Jeng.....," biglang sabi ni Jel ng mapalingon sa dalaga.
"Jel....?" ani Jingle. Nanibago siya sa tindig at porma nito dahil, payat kasi ito ng lumabas sa ospital. Ngayon ay nanumbalik muli sa pagkamatipuno ang pangangatawan at maayos pa ang gayak.
"Kamusta kana?" kasabay ng isang matamis na ngiti at pagkindat na bati ng binata sa dalaga.
Nataranta si Jingle, hindi alam kung ano'ng isasagot, kung ano'ng gagawin ng mahuli ng binata ang sulyap niya at magkatitigan silang dalawa. Hindi siya tumagal kaya binawi ang pagkakatitig sa lalaki. Napayuko siya ngunit may ngiti sa mga labi.
Nang maupo sila sa sofa ay nagsimula na ang mahabang pagkukuwentuhan patungkol sa mga outing nina Jingle gayun din naman sa mga lakaran nina Jel. Patawa rito patawa roon, ang saya-saya nila, parang hindi dinadapuan ng problema.
Maya-maya pa ay natigilan sila sa pagkukuwentuhan, parang may nagdaan na Anghel, natahimik sila.
Unang kumibo si Jel, ngunit sa pagkakataong iyon ay seryoso na.
"Jeng...., the real reason why I'm here now ay gusto lang kitang makita. Nangungulila ako sa mga haplos mo, sa malambing mong tinig, at higit sa lahat..... sa iyong linga, kung paano ka umunawa,
I love you...., very, very much."
Kasunod niyon ay pagdampi ng mga palad niya sa kamay ni Jingle at hinalikan . Tiningnan niya ng malamyos ang mukha pagkaraan.
"Jel...?" Oh, Jel..... kung alam mo lang matagal na rin kitang minamahal.
"Isang pang dahilan ng pagparito ko ay mayroon akong ikukunsulta sa iyo."
"Ha?! Bakit napaano ka? Ano na naman ang nangyari sa'yo?" pag-aalala ni Jingle. Napatunayang muli ng binata kung gaano siya kahalaga sa dalaga.
"Buhat ng lumabas ako sa ospital ay palagi na lamang may sumasakit sa dibdib ko. At nang hindi ko na matiis ay naglakas loob na akong pumarito sa iyo upang ikunsulta itong nararamdaman ko." Ang tinutukoy ng binata ay ang puso niya at ang ibig niyang sabihin ay nagpunta siya sa dalaga upang ipaalam na kailangan niya ito dahil mahal niya. Gusto rin niyang malaman kung mayroon ding pagmamahal ito sa kanya.
Ang nasa isipan naman ni Jingle ay may karamdamang dinadala si Jel kaya nag- alala ito. At sa pagkakaupo ay umusog papalapit sa binata.
"Jel, nahihirapan ka bang huminga? Ano'ng nararamdaman mo?" sabay haplos sa dibdib ng lalaki, pinakinggan niya ang pagtibok ng puso nito habang nakamasid naman sa mukha niya.
Hinawakan ni Jel sa baba ang dalaga at itiningala ang mukha sa tapat ng mukha niya.
"Jeng, nandito ang kirot" sabay turo sa tapat ng puso niya. Tingin naman doon ang babae. Muli itong napatingala sa kanya at noon lamang nasakyan ang kanyang sinasabi. Naglapat muli ang kanilang paningin at nagpatuloy pa sa pagsasabi ang binata.
"Tanging ikaw lamang ang makagagamot sa kumikirot na ito dahil ikaw itong itinitibok ng puso ko." Pagkasabi ay marahang ikinulong ni Jel sa kanyang bisig si Jingle at siniil ng halik sa labi.
"Uhmmp.... Jel?!" anang babae ng magkalas ang kanilang labi. "H....Hindi ba't magkaibigan lang tayo? Bakit mo ginawa sa akin ito." Muli na naman siyang nadulas ng salita. Noon lang niya naalala na dapat ay hindi niya sinabi ang ganoon. Baka panghinaan na naman ng loob ang binata ay maurot pang muli ang pag-ibig nito sa kanya.
"Jeng, kailan mo ba ako bibigyan ng pagkakataong maipakita ang tunay na damdamin ko sa iyo. Ginagawa ko na ang lahat noon pa, pero nagdaan na ang maraming mga taon ay hindi pa rin nababago ang pagtingin mo sa akin bilang isang kaibigan. Kailan mo kaya ako matutunang mahalin?"
"Konting panahon lang naman ang hinihingi ko sa iyo eh."
"Na ano, katulad ng nakaraan? Matapos kang humingi ng konting panahon upang makapag-isip ay malalaman mong mahal mo pa rin pala ang dati mong nobyo. Pagkaraan ay sasabihin mo sa aking maging magkaibigan na lamang tao dahil nagkabalikan na kayong dalawa."
" Nagkakamali ka Jel."
"Parang nakikinita ko nang ganoon na naman ang mangyayari. Kaya mabuti sigurong ipalagay ko na ang loob kong iyon muli ang mangyayari."
"Jel...." mahal din naman kita eh.
"Anyway, thank's for the wonderful moments, things you've done to me. I really apreciate your special treatment to me. You're one of a kind."
Ang hirap sa taong ito ay mahilig magpakonsiyensa effect. Mahal ko din naman siya eh! bulong ng dalaga sa sarili.
Tumayo si Jel sa sofa at napasunod din si Jingle ng hawakan ang kamay nito.
"Jeng, I Love you very much, always remember that!" napabuntong hininga ang binata pagkaraan, "....and I hope our friendship will not be like a foot print in the sand that easily goes by the waves."
"Jel....?"
Gusto nang sabihin ni Jingle na mahal din niya si Jel. Gusto na niyang isigaw.
"Thank you for everything...." dahan-dahang lumuluwag ang pagkakahawak ni Jel sa mga kamay ni Jingle habang papaatras siya hanggang sa mabitawan na niya ang mga iyon. "I love you.....! Good bye!" sabay talikod na nakayuko sa dalaga at tinahak ang landas palabas ng pintuan.
"Jel!!!" sigaw niya na mataas ang tono ng nasa pintuan na mismo si Jel. Lumingon. Waring nagtatanong kung bakit. Ngunit tinalikuran siya nitong muli upang tuluyan nang makalabas ng bahay.
Nag-isip siya ng gagawin, natataranta na siya, nag-aalalang baka tuluyan na itong mawala sa kanya kapag pinaalis pa niya.
Bahala na! isa munang pagbuntong hininga, "Jel.....!!! I LOVE YOUUUU!!!" pagdidiing sigaw niya.
"Jel! Mahal din kita!!!" Napahinto siya saglit at pinakiramdaman ang susunod na mangyayari sa kanila. Huminto rin si Jel. Nilingon siya. Dahan-dahang lumakad palapit sa kanya, walang imik, nakatitig lang basta. Huminto sa harap niya ng may kalahating piye ang layo. Nakiramdam siya, nakiramdam rin ang binata sa kanya. Nagtitigan sila.
"Anong sabi mo?!" seryosong tanong ng lalaki sa kanya.
"Ah...., I love you!" yes thats it! nahihiya pang sabi niya.
"Totoo na ba iyon!" seryoso pa ring sabi ni Jel sa kanya.
"Oo....," tugon niya na kasabay ng marahang pagtango pagkaraan ay napayuko, matagal. Siya na mismo ang kusang tumingala kay Jel ng muli nitong hawakan ang kanyang baba. Pagkaraan ay hinaplos ang kanyang mukha. Itinigil ang magkabilang palad sa magkabilang pisngi niya, nanatili iyon doon ng ilang minuto.
"Jeng...," ani Jel sabay siil ng halik sa labi niya kasabay ng pagkulong ng binata sa dalaga sa kanyang bisig . Sa pagkakataong ito ay nagpaubaya na ito. Lumalaban na ng halikan at yumayakap na rin sa Jel. Tutal ay wala naman na ngang ibang tao sa bahay na iyon kung hindi sila lang dalawa ni Jel dahil nagsialisang lahat, araw kasi ng linggo, nagsisipamasyal, nagsisimba.
"Jeng, kay tagal kong pinanabikan ang pagkakataong ito.... I love you."
"Oh Jel, mahalin mo ako, ingatan mo ang pag-ibig ko."
"Pangako....."
Hanggang sa magpatibuwal na sila sa sahig. Tuluyan nang ipinaubaya ni Jingle ang kanyang pag-ibig kay Jel, ganoon din naman ang binata sa dalaga. Hanggang sa madama ng isa't isa ang tunay na damdaming nananalaytay sa puso nilang dalawa.
Makaraan ang ilang araw ng sumapit na ang buwan ng Hunyo, bago mananghali, araw ng linggo, tumunog na ang kampana sa simboryo ng Simbahan sa bayan ng San Ildefonso sa lalawigan ng Bulacan kung saan ikinasal ang magkasintahan, sina Jel at Jingle.
"MABUHAY ANG BAGONG KASALLL....!!!"
"MABUHAY!!!"