PAANO HUHUGASAN ANG PUSO?
CHAPTER 6

ANG LIHIM NI MICHELLE

LUMIPAS ang buong araw ay hindi pa rin nalalaman ni Edwin ang buong katotohanan sa pagkatao ni Clara. Clara pa rin ang tawag niya kay Raquel. Hindi kasi siya palabasa ng pahayagan. Hindi naman niya nakita ng i-flash sa TV ang panawagan sa dalaga dahil nasa pamamasyal pa sila ng mga oras na iyon ni Michelle. Hindi pa sila nagkikita ni Randy. Kaya negatibong malaman niya ang katotohanan sa araw na iyon gayung sila lamang dalawa ni Raquel ang nasa bahay.

            "Oh, Clara. Papasok ka na ba?"

            Natigilan ang dalaga. Ang buong akala niya ay alam na ni Edwin ang totoo. Ngumiti siya. "Oo Kuya Edwin. Mahuhuli na ako eh, doon na ako kakain. Nasa mesa ang pagkain mo."

            Aalis na si Raquel ng tawagin pa ni Edwin at lapitan. Hinaplos sa mukha. "Mag-iingat ka, ha?"

            Tumango naman ang babae. At walang kaabog-abog, patay malisyang reaksiyon ang ipinakita ng halikan siya ng binata sa labi, marahan. Alam niya, iyon ay halik ng pagmamahal.

            Si Edwin naman ay hindi alam kung bakit sa labi nahalikan ang kunwari'y kapatid niya. Ang plano niya ay sa noo niya ito hahalikan tulad ng ginagawa niya dati. Ah, siguro nga ay umiibig na siya kay Raquel. Pero hindi kaya iyon magbago sa sandaling malaman niya ang buong katotohanan?

            Nasa E. Rodriguez na ang dalaga at naghihintay na ng sasakyan. Hindi pa rin mawaglit sa isip niya kung bakit siya hinalikan ni Edwin sa labi. Ang alam niya'y sa noo lang siya hinahalikan niyon bilang tanda ng pagmamahal sa kanya bilang kapatid.

            "Oh my God, I think I love him," naianas ni Raquel.

            Si Edwin ang unang lalaking nakahalik sa labi ni Raquel. Wala pa siyang nagiging nobyo. 'Yung lalaking ipapakasal sa kanya ay hindi naman niya naging nobyo o naging kapalagayang loob man lang. Ang Papa lang naman niya ang may gusto doon. Kaya hindi siya masisisi kung bakit ganoon na lamang ang pagtanggi niyang mapangasawa si Alex. Kung minsan tuloy at naaalala niya ang mga kagandahang loob na ipinapakita sa kanya ni Edwin ay naiuusal niyang "Sana'y si Kuya Edwin na lamang ang naging si Alex. Kung nagkaganoon, hindi magdadalawang salita sa akin si Papa na pakasal na."

            Pero nandoon pa rin ang katotohanang hindi maaaring mangyari ang iniisip niya pagkatapos niyang usalin 'yon.

            Matapos gumayak ni Edwin ay kumain, pagkaraan ay pumasok na. Naatraso ang pagbubukas niya sa shop, alas-nueve na noon.

            Hindi pa katagalan ay dumating si Aling Osang, Mayordoma nina Michelle. May dalang sulat para sa binata buhat sa nobya. Kapansin-pansin ang anyo nito, malungkot na iniabot ang sulat kay Edwin. Nagpaalam agad ang maedad-edad nang babae.

            Dali-daling binasa ni Edwin ang sulat. Baka may kung anong masamang nangyari na kay Michelle, naisip niya. Ayon sa liham:

Darling,

            Hindi ako makakapunta sa shop mamaya. Hindi rin tayo matutuloy manood ng sine. Sumama kasing bigla ang pakiramdam ko, sumakit ang ulo ko. Wala pa naman sina Mama at Papa pati na ang kapatid ko. Anyway, I love you!!!

                                                                                                Michelle

            Nag-alala si Edwin sa nabasa. Kawawa naman ang nobya niya, naisip niya. Lagi kasing sumasakit ang ulo ni Michelle kaya madalas na nakakanselado ang mga lakad nila noon pa.      

            Maagang isinara ng binata ang shop na binabantayan niya kahit na may umaarkila pa. Ang hangad niya ay makadalaw ng maaga sa nobya. Bumili siya ng prutas na dadalhin.

            "Nakakainis! Rush hour kasi!" Bad trip si Edwin. Sa Tayuman lang siya pupunta galing Espaņa ay trapik pa. Pero gumanda na ang mood niya ng makarating na siya kina Michelle.

            Bukas ang gate. May nakaparadang kotse sa labas ng tarangkahan at hindi niya kilala kung kanino iyon. Ah, baka sa kapitbahay nina Michelle, nakikiparada lang siguro.

            Nadaanan ng binata si Teban, hardinero ng nobya. Binati niya, binati rin siya pero bakit parang ilang.

            Bukas ang pintuan ng bahay kaya tuloy-tuloy na siyang pumasok. Naabutan niya si Osang sa salas, nanonood ng TV. Binati niya iyon, binati rin siya. Nang itanong niya si Michelle ay sinabing nasa itaas, sa kuwarto.

            Bigla ay pinatay ni Osang ang TV at niliban ang salas, nagtungo sa kusina. 

            Aakyatin na lamang ni Edwin si Michelle sa kuwarto, baka kasi nahihirapang bumangon, isa pa ay mataas ang hagdan. At ang gusto niya ay masopresa ang nobya, naisip niya.

            Paakyat na ang binata ng magulat sa biglaan niyang pagkakita sa nobyang patakbong pababa sa hagdan at masigla. Masaya't nakatawa pa. Nakatapis ng malaking tuwalya at basa ang katawan.

            Si Michelle naman ay parang makakita ng multo. Gulat na gulat din. Nawalan sila ng kibong pareho. 'Di naglaon, unang umimik ang lalaki. "Akala ko ay may sakit ka."

            "Ha? Ah eh, nawala na kanina. Gano'n kasi ako eh, mamaya may sakit, mamaya naman ay wala na," alibi ni Michelle sabay ngiti. Napansin pa niya ang nagtatanong na titig ni Edwin sa anyo niya. "Ito bang ayos ko? Naliligo ako eh."

            "Naliligo? Baka kung mapaano ka n'yan."

            "Hindi. Sanay na ako eh. Doon tayo sa sofa."

            Pag-upo nila doon ay nagpaalam si Michelle na magbibihis lang.

            "Sige dito muna ako. Bilisan mo, ha?" ani Edwin.

            Nakahinga ng maluwag si Michelle. Kanina ay kabadong-kabado siya. Hindi niya alam ang gagawin. Dali-dali siyang umakyat sa kuwarto. "Ay!" Nagulat pa siya ng makasalubong niya si Edgar.

            Oo. Iyon si Edgar, nobyo din ni Michelle. Playgirl si Michelle.

            Nakatapis lang din ng tuwalya si Edgar. Sabay silang naliligo sa banyo kanina ng dumating si Edwin.

            "Bakit ka lumabas?" usisa ni Michelle.

            "Halika na ligo na tayo," anang lalaki.

            "Doon tayo sa loob, nandiyan na sina Papa at Mama. Baka makita ka nila."

            "Talaga?" Nakatawa pa si Edgar at binuhat si Michelle. Pumasok na sila sa kuwarto.

            "Magbihis ka na. Aakyat dito si Mama mamaya, baka makita ka niya. Doon ka muna sa loob ng aparador," ani Michelle mabilis na nagbibihis. Noon din ay nakaayos na siya.

            "Mabuti ngang makita ako ng Mama mo, 'di ba?" anang lalaki.

            Natataranta na si Michelle. Baka nga naman biglang pumanhik si Edwin. Alam niyang mahilig manopresa ang lalaking 'yon. Paano na kung mag-abot ang dalawa? Ano ang gagawin niya?

            "Please, Edgar."

            Pero makulit si Edgar. Nahiga at humilata pa sa kama.

            Sa ibaba, naiinip na si Edwin sa tagal gumayak ni Michelle. Kaya naisipan niyang sundan sa itaas. May kung anong kapilyuhan na naman siyang naisip. Baka nagbibihis pa si Michelle, aakyatin niya para makaiskor uli siya. Tutal naman ay alam niyang may laman na ang tiyan ng dalaga kaya lulubusin na niya ng masulit.

            Nasa pakikipagpakiusapan pa rin sina Michelle at Edgar ng biglang bumukas ang pinto ng kuwarto. Nakalimutan palang i-lock ng dalaga 'yon.

            "Hi there!" Masayang bungad na sabi ni Edwin. Pero agad napalitan ng matamlay na anyo ng makita si Edgar na nakahiga sa kama.

            "Edwin?!" Hindi malaman ng dalaga ang gagawin. Nangyari na ang pinangangambahan niya. Paano siya magpapaliwanag ngayon sa dalawang lalaki? Unawain naman kaya siya ng mga ito kung saka-sakali?

            "Edwin? Sino siya, Michelle?" Ani Edgar na biglang tumindig at nagbihis.           

            "Ano'ng ibig sabihin nito, Michelle?" Usisa naman ni Edwin na parang napako sa kinatatayuan.

            Nilapitan pa ni Edgar si Michelle. "Damn you!" kasunod ay isang malakas na sampal. "Pinag-ukulan kita ng panahon. Sinunod kong lahat nag mga kapritso mo. Ang masakit pa nito, may binuo na akong pangarap para sa ating dalawa at sa magiging anak natin!"

            Sa narinig na iyon ni Edwin ay parang nagpantig ang tenga niya. Bakit ang sabi ni Michelle ay sa kanya raw ang ipinagdadalang-tao nito? Pero bakit ngayon ay inaari ni Edgar? Naguguluhan siya.

            Nagpatuloy pa si Edgar. "Ngayon, paano mo sasabihin sa akin na ako nga ang Ama ng batang 'yan? Paano ako nakakasiguro?" sabay turo sa tiyan ni Michelle. "Hindi ko mapapanagutan 'yan!" sinabayan ng layas ni Edgar.

            Nanatili sa pagkakatayo si Michelle. Umiiyak at nakayuko. Tutop ang mukha.

            Si Edwin naman ay huminahon. "Bakit, Michelle? Bakit? Minahal kita, nirespeto, buong-buo ang pagtitiwala ko sa iyo. Pero ano'ng ginawa mo? Sinira mo!" Nanggigilid na ang luha ng binata.

            "Mahal kita, Edwin. Ikaw ang mahal ko, maniwala ka. I'm so sorry." Humahagulgol si Michelle, naupo sa kama.

            Pero ano ang magagawa ng sorry niya. Ganoon na lang ba 'yon? Basta na lang ba babalewalain ni Edwin ang kanyang nakita? Totoong mas mahal ni Michelle si Edwin kaysa kay Edgar pero paniwalaan pa kaya siya ni Edwin sa natuklasan nito?

            "Ngayon ay masasagot ko na ang itinatanong mo sa akin noon pa, Michelle. The answer is--- sorry too! Hindi ko pananagutan ang dinadala mo, baka doon sa lalaki mo 'yan. Masakit, Michelle. Masakit!"

Nakaturo sa dibdib si Edwin ang mga daliri.

            Napatingin si Michelle sa binata, waring nagmamakaawa. Ngunit wala siyang masabi, wala na siyang magawa. Kasalanan niya, naging salawahan siya. Pareho kasi niyang pinagbigyan. Ngayon sino ang ituturo niya? Kanino niya ipapaako ang dinadala niya?

            "Sayang, Michelle. Sayang....," huling nasabi ni Edwin at tumalikod na. Nakayukong nilisan ang kuwarto.

            Hahabulin sana ito ni Michelle, ngunit para ano pa? Isa pang pumigil sa kanya ay ang hiya. Nahihiya siya sa sarili niya. Ngayon niya napatunayan na hindi lahat ay kayang tumbasan ng pera. Tama siya. Hindi ang pag-ibig!

            Nahubog kasi ang kaisipan ni Michelle sa luho. Lahat ng maibigan niya mula pa noong maliit pa lamang siya ay ibinibigay ng mga magulang niya. Bread winner siya sa pamilya nila. Pero useless, kahit gaano pa kadami ang pera niya ay hindi na niya maibabalik pa ang tiwala at pag-ibig ni Edwin sa kanya.

            At ngayon, paano na siya? Sino na ang mananagot sa ipinagdadalang-tao niya. Lalaki na lamang bang bastardo ang magiging anak niya.

            Siya kasi, ginawa niyang laruan ang pag-ibig. Heto ngayon siya't nauwi sa wala't wala, naiwanang nag-iisa.



<<<== Previous Chapter  |  Next Chapter ==>>>